MATAGUMPAY na isinagawa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang ikalawang Family and Child Summit sa GT-Toyota Asian Cultural Center, University of the Philippines Diliman nitong ika-8 ng Nobyembre 2014.

Pinamagatang Matalinong Panonood Para sa Pamilya at Lipunan nina Juan at Juana, ang summit ay dinaluhan ng halos walong daang (800) indibidwal na karamihan ay mga magulang, kabataan, mga guro, mga miyembro ng iba’t ibang paaralan, unibersidad, organisasyon, lokal na komunidad at kinatawan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at ng industriya ng telebisyon at pelikula.

Kabilang sa mga opisyal ng gobyerno na nakibahagi sa summit sina Cong. Mel Senen Sarmiento ng Unang Distrito ng Samar, MMDA Undersecretary Alex Ramon Cabanilla, PCOO Assistant Secretary CJ Licudine bilang kinatawan ni PCOO Secretary Sonny Coloma, at NCCT Executive Director Delia Hernandez. Dumalo rin ang Philippine Dragon Boat Team bilang kinatawan ni Gen. Romeo Gan at AFP Civil Relations Services, gayundin ang kinatawan ng NDRRMC at Bureau of Fire Protection.

Nakiisa rin ang mga lider at kinatawan ng iba’t ibang simbahan at religious organizations gaya nina Fr. Joselito Jopson ng CBCP Episcopal Commission on Social Communications, Fr. Jojo Buenafe ng TV Maria, Fr. Arnold Abelardo, CMF ng Claret Urban Poor Apostolate, Sr. Praxedes Paloma at Sr. Mennen Alarcon na mula sa media congregation ng Daughters of St. Paul, Pastor Dennis Sy ng Victory Church Greenhills at ang Ministro ng Iglesia ni Cristo at INC TV Station Manager Rommel Sanvictores.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Dumalo rin ang mga kinatawan mula sa Jesuit Communications (JesCom) at De La Salle educational system sa pamumuno ni Fr. Emmanuel “Nono” Alfonso, S.J., at ang president ng DLSU-Taft at College of St. Benilde (CSB) na si Bro. Dennis Magbanua, FSC.

Nakilahok din ang mga pinuno at kinatawan ng industriya ng pelikula at telebisyon at ng cable companies gaya nina ABS-CBN Business Unit Head Raymond Dizon, INC TV Executive Erwin Galapon at Philippine Cable Television Association Representative Sam Lanuza. Nakilahok din ang mga kinatawan mula sa GMA Network, GMA News TV, TV5, Net25, TAPE, Christian Broadcasting Network (CBN), Solar Entertainment, at Global News Network (GNN).

Bukod sa layuning mabigyan ng media empowerment ang mga magulang at nakatatanda hinggil sa mga programa at pelikulang pinapanood ng pamilya, lalo na ng mga kabataan; higit na layunin din ng summit na mahikayat ang mga kalahok na magkaroon ng isang aktibong lipunan na may kolektibong kaalaman at pang-unawa sa mga ratings system bilang parte ng pagiging isang responsable at matalinong manonood.

Dalawang pangunahing tagapagsalita ang naging bahagi ng summit. Tinalakay ni Congresswoman Maria Leonor “Leni” Robredo ng Ikatlong Distrito ng Camarines Sur ang paksang “Local Communities as Agents for Discerning Viewership and Audience-Sensitive Media.” Ibinahagi rin niya kung paano nakatutulong ang film at TV ratings system sa paggabay sa kanyang mga anak sa mga pelikula at programang kanilang pinapanuod. Sumunod na tagapagsalita si Senator Paolo Benigno “Bam” Aquino na ibinahagi ang kanyang pananaw sa paksang “How Law Can Empower the Family as an Agent of Societal Change in Media and Entertainment.”

Nabigyan din ng kaalaman ang mga dumalo sa mga panel discussion na pinangunahan ng mga kilala at mahuhusay na personalidad sa larangan ng family and children’s media and entertainment. Tinalakay ni MTRCB Board Members Gladys Reyes, kasama ang celebrity couples na sina Paolo at Suzie Abrera at Alex at Judy Tinsay ang tungkol sa Family TV and Film Viewing.

Pinangunahan naman ni MTRCB Chairperson Toto Villareal, kasama ang indie director na si Ellen Ongkeko-Marfil at MTRCB Board Member Eric Mallonga, ang talakayan ukol sa Children’s Cinema.

Bahagi rin ng programa ang paglulunsad ng 2015 MTRCB Film and TV Infomercial sa direksyon ni Jose Javier Reyes tampok ang celebrity couple na sina Ryan at Judy Ann Santos-Agoncillo.

Ginawaran ng plake ng pagpapahalaga ang mga movie direktor at institusyon na nakibahagi sa katatapos na MTRCB Children’s Classics sa Trinoma Cinema noong ika-5 hanggang ika-6 ng Nobyembre 2014. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Quezon City Film Development Commission (QCFDC) na pinamunuan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte at Executive Director Ed Lejano, Jr.

Dumalo sa summit, upang makiisa at tanggapin ang parangal, sina Dr. Hossein Faiyaz at Dr. Kiumars Amiri ng Cultural Section of the Embassy of the Islamic Republic of Iran para sa pelikulang Children of Heaven at Colors of Paradise at Direktor Ellen Ongkeko-Marfil para sa pelikulang Boses. Pinarangalan din ng MTRCB ang Chinese Embassy para sa pelikulang Not One Less at Dance Without Music at si Direktor Ditsi Carolino para sa dokumentaryo niyang Bunso.

Pinarangalan din sa okasyong ito ang tatlong (3) estudyante na nagmula sa Manuel L. Quezon Elementary School at Bagong Silangan Elementary School na nagwagi sa MTRCB Poster-Making Contest na ginanap noong Agosto 2014.

Nagbigay-kasiyahan at kulay sa summit ang pagdalo at pagkanta nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Nagtanghal din ang bagong all-kid Filipino rock band na Square One Band.

Nagtanghal din sina Princess Velasco, Glydel Shane Danda, Diva Montelaba, Jovit Baldovino, Michael Pangilinan at Ejay Falcon.

Nakakaaliw din ang pagtatanghal ng children’s choir ng Quezon City Performing Arts Foundation at ng Dulaang Tobias Foundation.