Ni MARIO B. CASAYURAN
Hiniling ni Sen. Miriam Defensor Santiago sa Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III na sunod na imbestigahan ang alegasyon ng isang dating Iloilo congressman na sangkot si Senate President Franklin Drilon sa umano’y overpricing ng Iloilo Convention Center (ICC) at iba pang proyekto sa lalawigan.
Ito ay matapos hamunin ni dating Congressman Augusto Syjuco Jr. si Drilon na ipaliwanag kung paano niya naipatayo ang kanyang bahay sa esklusibong Forbes Park sa Makati City noong 2004, ayon kay Santiago.
Hiniling ni Santiago kay Guingona na imbitahin si Syjuco, na kilalang matalik na kalaban sa pulitika ni Drilon, matapos sulatan ang senadora upang hilingin na siya ay maimbita sa pagdinig sa overpriced construction umano ng ICC kung saan ang pondo ay galing umano sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ng lider ng Senado.
Ilang beses ding hinamon ni Santiago si Vice President Jejomar Binay na humarap sa Senate Blue Ribbon subcommittee hinggil sa alegasyon na sangkot ito sa overpricing ng Makati City Parking Building at iba pang isyu ng umano’y katiwalian noong nanunungkulan pa ito bilang alkalde ng Makati.
Kamakailan, tiniyak ni Drilon na siya ay dadalo sa Senate inquiry kung ito ay ipatatawag ng komite.
Kabilang sa naimbitahan sa pagdinig hinggil sa ICC overpricing ay sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary; Rogelio Singson; Department of Tourism (DoT) Secretary Ramon Jimenez Jr.; Engineer Robert Henson, HCC president; Efren Canlas, HCC board chairman; Mark Lapid, chief operating officer (COO) ng DoT-Tourism Infrastructure & Enterprises Zone Authority (TIEZA) ; Atty. Dennis Santiago, executive director, Government Procurement Policy Board; Jose Fabia, Commission on Audit (COA) commissioner; at Rodulfo Ariesga, ng COA technical services office.
Naimbitahan din sa pagdinig si Manuel Mejorada, dating Iloilo provincial administrator at dating media consultant ni Drilon, na unang nagbulgar ng overpricing ng ICC.