Rico-Rey-Hajji-at-Marco_REMY

Ni REMY UMEREZ

SA kabila ng tuluy-tuloy na pagdating at pagtatanghal ng sikat na foreign singers sa ating bansa na abot langit ang presyuhan ng mga tiket, may local producers pa ring naniniwala sa kakayahan at pagiging world-class ng ating homegrown talents.

Kaya pagsasamahin ng Starmedia Entertainment ang mga walang kupas na sina Hadji Alejandro, Rico J. Puno, Marco Sison, at Rey Valera sa concert entitled  OPM Legends na gaganapin  sa world-class na Solaire Ballroom ng Solaire Resort & Casino sa Nobyembre 21.

‘Immortal love?’ Enrile at misis nagdiwang ng 67th wedding anniversary

May special appearance rin sina Solenn Heusaff at Yebeth Garcia.

Maraming beses nang pinatunayan nina Hadji, Rico, Rey at Marco ang kanilang pagiging total entertainers sa apat na sulok ng mundo. Laging sold-out ang kanilang mga show sa maraming Filipino communities abroad.

Marinig lang ng mga kababayan natin sa ibang bansa ang mga awiting tulad ng May Bukas Pa, Maging  Sino Ka Man, Nakapagtataka, My Love Will See You Through, at iba pang OPM hits ay agad nang naiibsan ang kanilang pangungulila sa sariling bayan. Bonus pa ang malalakas na tawanan kapag naglilitanya na si Rico J. ng green jokes. Tanging si Rico lamang ang nakagagawa nito na walang napipikon.

Nasaksihan na namin silang apat sa mga naunang reunion show nila at hindi nabibigo kailanman ang audience dahil pawang hits ang kanilang inaawit.

Ang magaganap na OPM Legends ay pagbabalik-tanaw sa ginintuang mga dekada na ang namamayani sa airwaves ay pawang mga  awiting sariling atin.