Ni Leslie Ann G. Aquino

Maraming dating Katoliko ang nagbabalik sa Simbahan dahil kay Pope Francis, ayon sa isang paring Jesuit Catholic.

Sinabi ni Fr. Manuel Francisco, ang general facilities supervisor ng Loyola School of Theology (LST) sa Ateneo de Manila University (AdMU), na nabawi ng Papa ang kumpiyansa ng maraming Katoliko dahil ginawa niya muling “cool” ang pananampalatayang Katoliko.

“Even in the Philippines many have turned their backs on the Church and entered other denominations. The general, prevailing attitude then was disappointment with the Catholic Church. But Pope Francis has changed all that,” saad sa artikulo ni Francisco na ipinaskil sa papalvisit.ph website.

National

Sen. Bong Go, pinakiusapan si Sen. Imee na pagkasunduin muli sina PBBM, VP Sara

Ito, aniya, ay dahil hindi lang sa ibinibigay na halimbawa ni Pope Francis kundi dahil ginagawa nito ang ipinapangaral.

“By his example, he has made living and witnessing the Catholic faith attractive,” ani Francisco.

Isang modernong tao na may modernong pag-iisip, sinabi ni Francisco na nagawa ng Papa na maabot ang pinakakaraniwan sa mundo, maging ang mga hindi Katoliko, sa paraang nagsusulong ng diyalogo.

Idinagdag pa ni Francisco na ang pagiging bukas ng isip ni Pope Francis ay hinangaan ng mga Katoliko at hindi Katoliko nang hindi binabago ang panuntunan ng moralidad ng Simbahan.

Una nang inamin ni retired Lingayen Dagupan Archbishop Oscar Cruz na walang paraan ang Simbahan para matukoy ang dami ng Katolikong tumalikod na sa Simbahan para lumipat sa ibang relihiyon o sekta, bagamat namo-monitor nila ang nadadagdag.

Ayon sa datos ng Catholic Directory of the Philippines, mula sa 70 milyon noong 2011-2012 ay nasa 76 milyon na ngayon ang Katoliko sa bansa.

Bibisita si Pope Francis sa Pilipinas sa Enero 15-19, 2015 at partikular na bibisitahin ang mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban City, Leyte.