Nitong nagdaang Huwebes, tinanong ako ng dating pangulo ng Cebu Association of Media Practitioners na si Greg Senining sa kanyang programa sa ‘Bantay Radyo’ (Cebu) kung ano raw ba pananaw ko sa Sistemang PCOS sa botohan? Naging prangka ang sagot ko – “May demokrasya pa ba tayo? Kung PCOS ulit ang gagamitin ng Comelec sa darating na halalan sa 2016, at hindi tayo mag-aalburoto, tuldukan na natin ang ating demokrasya. Dahil patay na ito”.

Sa simpleng pagsusuma, ang republika na pinagbuwisang itatag nina Rizal, Bonifacio, Aguinaldo atbp. nakasilid na sa ataol. Bagama’t nakahimpil pansamantala ang katawan ng republika, pagkatapos nilugso ang puri nito noong 2010, at muli lapastanganin sa 2013, ito ay naghahanap na lamang ng himlayan upang tapat na maganap ang seremonya ng pamama-alam bago ilibing.

Tanggapin natin ang masakit na katotohanan, hindi na ang kagustuhan ng sambayanang Pilipino ang nasusunod bagkus ang iilang traydor na pumipindot sa computer sa malakihang halaga upang makasungkit ng pwesto pagka-senador, at bilyong pisong usapan sa mas mataas na tanggapan. Ganyan na ang kalakaran sa halalan – bilihan ng nilalakong tanggapan. Wika nga, dingding lang ang pagitan, at maiiba na ang baybay. Imbes na demokrasya – disgrasya!

Habang maaga at 2014 pa, pagtuunan natin ng pansin at tapunan ng batikos ang PCOS bago pa makuryente ulit sa PCOS. Anong uri ng mga pinuno at politiko ang tatangan sa kinabukasan ng 100 milyong Pilipino, kung ang mga naka-pwesto hindi tunay na halal ng republika! Eh di mga manggagantso, magnanakaw, sinungaling, na kapatas ng “Akyat-Bahay Gang”. Iligal na naka-akyat sa pamahalaang bahay ng bayan upang lustayin ang kabang-yaman ng Pilipinas. “Anong sistema ang maaring gamitin sa 2016” dag-dag ni Senining?

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa kagawiang pUlitika na talagang may sumusubok mandaya, pumili tayo ng pamamaraan na mas bukas at pinapahirapan ang nag-iibig lokohin ang botohan. Balik tayo sa mano-mano. Sa presinto, ay isang araw lang binubuno, tapos na ang bilangan. Kayang magtiis lalo demokrasya ang sinisilbihan. Kumpara sa computer, hindi natin alam paano tayo bumoto, computer ang bumibilang sa isang pindot, at luto na ang eleksyon. Tanungin ninyo si Brother Eddie Villanueva!