Maraming dahilan kung bakit mainam na gawin mong best friend ang ate mo o ang iyong nakababatang kapatid na babae. Ang pagkamalapit sa kapatid na babae ay nagsisimula sa pagkabata, at dahil sabay kayong lumalaki kilala ninyo ang takbo ng pag-iisip ng isa’t isa. Kalaro ninyo ang isa’t isa. Pareho kayong tumatawa at halos pagsaluhan ang iisang damdamin. Kapag wala kang kalaro, maaasahan mo ang kasiglahan ng kapatid mong babae. Oo nga, nag-aaway kayo paminsan-minsan (kung hindi palagi) na parang aso’t pusa. At kung minsan, humahantong pa ito sa paghihiganti tulad ng pangingisda mo nang palihim sa kanyang aquarium, pagputol ng buhok ng kanyang paboritong manyika habang binabali naman niya ang iyong mga krayola na lingid sa iyong kaalaman. Ngunit sa pagtatapos ng araw, naroon pa rin ang sagradong pagkamalapit ninyo sa isa’t isa.
Habang humahakbang ang panahon, minsan nahihirapan tayong maging malapit sa ating kapatid na babae. Maaaring mayroong pagtatalo o dagat sa pagitan ninyo ngunit kapag kailangan mo na ang iyong ate, maaasahan mo siyang darating na parang walang mga araw na lumipas na magkahiwalay kayo. Kaya narito ang ilang dahilan kung bakit mainam na gawin mong best friend ang kapatid mong babae:
- Mahal ka niya nang walang pasubali. - Anuman ang iyong pagkakamali, kahit hindi maarok ang iyong pag-uugali, mahal ka niya palagi. Maaaring hindi niya maunawaan ang iyong mga papapasya, naroon siyang dadamay sa iyo kapag pumalpak ka. Ang walang pasubaling pagmamahal na iyon ay maaaaring isang malaking milagro sa mga sandali ng kabiguan mo sa buhay.
- May Baliw Factor - May kung anong mahika ang kapatid nating babae kung kaya nailalabas natin ang ating kabaliwan. Noong bata pa ako Walang sinuman ang nagpapagulong sa akin sa sahig sa katatawa kundi ang aking ate. Sa kahit na anong edad, kahit matanda kasal na, nailalabas ng ating kapatid na babae ang “bata” sa bawat isa sa atin. Puwede tayong magbaliw-baliwan sa harap ni Ate. Puwede kayong maging kayo nang walang pagkukunwari.
Sundan bukas.