TOTOO nga ba ang third eye at ang sinasabi na may mga taong nakakakita at nakakakausap ng mga taong yumao na, o malapit nang pumanaw?

Ngayong gabi sa Magpakailanman, sa buhay ni Jessa Monte, normal na ang paranormal. Lumaki siya sa poder ng kanyang lola na laging nakikipag-usap sa mga nilalang na hindi nakikita. At sa bahay ng kaniyang lola ay may batang babae na makikilala si Jessa. Pero siya lang lang ang nakakakita at nakakausap ng bata, hanggang sa makita rin ito ng lola niya.

Noon naniwala ang lola ni Jessa na may third eye nga ang kanyang apo. Pero hindi lang multo ang makikita ni Jessa kundi maging ang pagpanaw ng kanyang lola at ang pagkawasak ng kanyang pamilya.

Sa burol ng babaeng nagpalaki sa kanila ng kanyang kapatid, matutuklasan ni Jessa na may magkaibang mga pamilya pala ang mga magulang nila. Ito ang magtutulak kay Jessa na huwag nang umasa sa sinuman sa kanyang mga magulang. Siya ang tumayong ama at ina, katuwang ng tiyahin niya, para sa kanyang kapatid. Nag-aral siya ng nursing para matiyak ang kanilang magandang kinabukasan.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Pero hindi siya tatantanan ng kanyang kakaibang kakayahan.

Matatanggap ba ni Jessa ang kanyang kakayahan na kumausap ng mga taong yumao na o patuloy na maglalaban ang mga paniniwalang ipinasa ng kanyang lola at ang kanyang mga natututuhan bilang nurse?

Itatampok si Bela Padilla bilang si Jessa Monte kasama sina Luz Valdez, Ramon Christopher, Melissa Mendez, Lovely Rivero, Arianne Bautista at Andrea del Rosario.

Mula sa direksyon ni Michael de Mesa, mapapanood na ngayong gabi ang Magpakailanman – Third Eye: The Jessa Monte Story pagkatapos ng Marian sa GMA-7.