Matuloy man o hindi ang paghaharap nina Vice President Jejomar Binay at Senator Antonio Trillanes IV sa isang pampublikong debate, naniniwala si Senator Nancy Binay na hindi matitigil ang mga pag-atake sa kanilang pamilya hanggang sa 2016.

Sa isang panayam nitong Lunes, sinabi ni Binay na duda siya kung matitigil na ng debate ang mga pambabatikos at alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at korupsiyon na ibinabato sa kanilang pamilya.

“Matitigil? Parang hindi, kasi balita namin hanggang ano ito eh, 2016, itong propaganda,” sinabi ni Binay sa mga mamamahayag.

“Siguro talagang hindi sila hihinto hanggang hindi na maging threat ang ating Vice President dun sa ambisyon nila ‘pagdating sa 2016,” dagdag niya.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Nang tanungin kung nais niyang matuloy ang debate, sinabi ng senadora: “Half-half.”

“Half-half kasi siyempre ‘di ba Vice President ‘yung ama ko tapos siya senador. But on the other hand, siguro ‘pag nagkaroon ng debate baka finally makinig na si Sen. Trillanes. Kung baga, harapan na silang magpapaliwanagan, ‘di ba?” (Hannah L. Torregoza)