Ayon sa Social Weather Stations (SWS), 12 milyong Pilipino ang nagsasabi na mahirap pa rin sila. Bakit ganito pa rin ang kalagayan ng mamamayan gayong ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino na nakabangon na ang ating ekonomiya? Kung naibangon ng tuwid na daan ng Pangulo ang ekonomiya, hindi tuwid ito sa pagpapalaganap ng biyaya mula dito. Bumaluktot ang daan papalayo sa mga dapat makinabang nito.

Kung lumago ang ating ekonomiya at ikinalat sa lahat ang biyaya nito, dapat maginhawa nang nagagamit ng mamamayan ang sistema ng transportasyon natin. Dagsa na ang kayang isakay ng ating mass transportation tulad ng LRT at MRT. Ang kakayahan nitong maglaman ng pasahero ay sumusunod sana sa pagdami ng mga ito. Ang problema, kung ano ang LRT at MRT noon, ganito rin ngayon ang mga ito sa napakasama nang kondisyon na inilalagay pa sa panganib ang buhay ng mga mananakay. Ang tren na malaking bagay din sana na magagamit ng mamamayan ay pinabayaan na ng gobyerno.

Ang lumagong ekonomiya na pinakikinabangan ng nakararami ay inaalis o binabawasan ang siksikan ng mga sasakyan sa kalye. Na kahit na anong oras ay maginhawang nagagamit ng mga motorista ang mga kalye. Ang problema, pangkaraniwan nang nagaganap ang bumper-to-bumper na pag-usad ng mga sasakyan at kung minsan ay hindi na nga umuusad. Ang laging laman ng kalye ay mga manggagawa, negosyante at magaaral. Malaking bagay iyong nagagawa nila ang pang-araw-araw nilang gawain nang maginhawa at walang sagabal. Sa mga manggagawa at negosyante, hindi na nga sila masyadong napupuyat at napapagod, kinikita pa nila ang katumbas ng kanilang pinaghihirapan. Sa ganitong paraan, kahit paano, nakukuha nila ang kanilang bahagi sa paglago ng ekonomiya. Kaya hindi umaabot sa nakararami ang biyaya ng paglago ng ekonomiya dahil iilan lang ang nakikinabang. Gamit ang kanilang posisyon sa gobyerno, ang para sa nakararami, tulad ng pagsasaayos ng mass transportation system at paglunas sa mabigat na trapiko, ay kanilang ibinubulsa.
Metro

Lalaki, pinagsasaksak sa dibdib dahil umano sa paggamit ng basketball court