Pinabulaanan kahapon ng Malacañang ang mga batikos na nagsasabing ang Visiting Forces Agreement (VFA) ay isang “one-sided love affair” dahil pumapabor lang ito sa Amerika, iginiit na malaki ang magiging pakinabang dito ng Pilipinas, partikular sa usapin ng defense strategy.
“Hindi ‘yan ang pananaw ng ating pamahalaan [tungkol sa VFA],” sabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.
Sinabi ni Coloma na sa maraming pagkakataon ay tinukoy nina Pangulong Benigno S. Aquino III at Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario ang VFA bilang bahagi ng estratehiya ng bansa sa depensa.
Kasabay nito, nilinaw ni Coloma na ang muling pagbusisi sa VFA ay “constant,” idinagdag na handa ang gobyerno na ayusin ang lahat ng detalye sa nasabing kasunduan na maaaring magbunsod ng debate at kontrobersiya.
“Sa mga issue na bumabalot sa ilang probisyon na ito, nandyan naman ang kahandaan na suriin kung paano pa mapa-fine tune o malalagay sa isang kaayusan na mababawasan ‘yung mga tinatawag nating contentious issues,” ani Coloma.
Matatandaang sinabi ni US Ambassador Philip Goldberg na hindi dapat na iugnay ang VFA sa kaso ng pagkakasangkot ni US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton sa pagpatay kay Jeffrey “Jennifer” Laude sa Olongapo City ngayong buwan.
“Ang mahalaga ay ‘yung paghahat id ng katarungan sa naganap na krimen at ito ay makakamit sa pagsunod sa mga proseso ng batas na naglalayong pangalagaan ang karapatan ng partido ng napaslang at ang partido ng akusado,” ani Coloma.