Isinilbi na kahapon ng Sandiganbayan First Division sa Senado ang 90 araw na suspension order laban kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.
Sa resolusyong ipinadala sa Senado, sinabi ng First Division na ang suspensiyon laban kay Revilla at sa staff member nitong si Atty. Richard Cambe “shall now be implemented”.
Inaatasan ng korte si Senate President Franklin Drilon o sinumang authorized representative nito na ipatupad ang order sa loob ng limang araw makaraang matanggap ang notice.
Isinilbi ng korte ang suspension order matapos nitong isapinal noong Setyembre 24 ang resolusyon nitong may petsang Hulyo 31 na nagsususpinde kina Revilla at Cambe, na kapwa akusado sa P224.5 milyong kaso ng plunder.
Una nang ikinatwiran ng mga abogado ng senador na premature ang nasabing suspensi on order dahil nakabimbin pa sa Sandiganbayan at Korte Suprema ang apela ng kanyang panig kaugnay ng validity ng plunder information, pero iginiit ng First Division na nagiging mandatory ang suspensiyon sa isang opisyal ng gobyerno kapag nakatukoy ang korte ng balidong impormasyon sa kasong graft.