COCO Martin

HANGGANG Biyernes, Oktubre 24 na lang ang Ikaw Lamang kaya aminado ang leading lady ni Coco Martin na si Kim Chiu na nalulungkot siya sa nalalapit nilang paghihiwa-hiwalay ng cast.

“Kasi, mag-iisang taon din kaming magkakasama sa seryeng ito, ‘tapos parang ilang araw na lang, eh, maghihiwa-hiwalay na kami, siyempre, mami-miss din namin ’yung bonding,” sabi ng dalaga nang makatsikahan namin sa set visit sa Barangay Immaculate Conception, Cubao Quezon City.

Overwhelmed ang aktres dahil, “Itong Ikaw Lamang, ang dami kong nakatrabahong artista, 34 (artista) kami dito, ’yung 33 na ’yun, sobrang honored ako na makatrabaho silang lahat sa isang show.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 4.8

Dalawang papel ang ginagampanan ni Kim sa Ikaw Lamang, sina Isabel at Jacq sa magkaibang henerasyon, at aminado ang aktres na nahirapan siya sa unang papel niya.

“Hindi ko kayang maging prim and proper, anak-mayaman, ’yung hindi makabasag-pinggan. Hindi ko talaga kaya ’yung ganu’n, so parang si Direk, ‘ulit, isa pa,’ ’yung ganu’n. So, sabi ko, nakakahiya naman sa kanila, uulit tayo nang uulit. ‘Tapos iyak nang iyak, maya’t maya, iyak.

“Tapos ’yung kay Jacq, sobrang dali kasi, parang sa totoong buhay lang, ganu’n-ganu’n lang, saya-saya lang, parang adlib-adlib. Tapos ngayon, medyo halo na ngayon kasi patapos na,” paliwanag ni Kim.

Puring-puri niya ang leading man niyang si Coco dahil marami siyang natutuhan.

“’Yung dedication niya sa trabaho, iba. ’Pag nakita n’yo siya sa set, parang hindi siya ’yung normal na Coco na nakakakuwentuhan mo, nakakatsika mo, iba. Nandu’n ’yung professionalism na parang sabi ko, ‘ay, puwede pala ’yung ganito’.

“‘Tapos minsan, tatahimik na lang ’yan. ‘Tapos magpapasabog na lang ’yan ’pag eksena na. Kaya pala siya nagku-concentrate du’n sa malayo kasi may gagawin pala siyang kakaiba. Tahimik lang siya, hindi mo siya makakausap. Pero ’pag eksena niya, ’yun na pala ’yun.

“Ang galing. Ang dami ko talagang natutunan dito. Hindi lang ’yung basta umarte ka, kundi ’yung involved ka sa lahat, sa kabuuan. Hindi naman masamang magbigay ng opinyon,” kuwento ng dalaga.

Samantala, inamin ni Kim na talagang may pinaglalagyan ang kinikita niya base na rin sa pambubuking ni Coco.

“Ikaw talaga!” sabi ni Kim sa aktor, sabay sabing, “konting mga pundar-pundar lang.”

At ang dahilan ni Kim kaya nagpapagawa siya ng bagong bahay, “Kasi, dumami na po kami, eh, pati mga pamangkin ko.”