Tuwing nababanggit ang “streetball,” hindi maaaring hindi mabanggit ang pangalan ni Larry Williams.

Si Williams, mas kilala bilang si “Bone Collector”, ay itinuturing bilang isa sa pinakamagaling na freestylers at kinatatakutang kalaban sa loob ng court.

At sa maagang bahagi ng Nobyembre,” magkakaroon ang Pinoy streetball fans ng pagkakataon na makita at mapanood siya ng personal.

Si Williams ay magiging bahagi ng Ball Up Streetball All-Stars na bibitbitin ang Team Gawad Kalinga para sa isang charity basketball game, ang “All In,” sa Nobyembre 5 sa Mall of Asia Arena. Ang koponan ay igigiya ni dating National Basketball Association (NBA) MVP Allen Iverson.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Makakalaban nila ang Team PCWorx na binubuo naman ng mga manlalaro mula sa UAAP, sa pangunguna ni MVP Kiefer Ravena ng Ateneo, at NCAA at palalakasin ng dating PBA stalwarts na sina Jerry Codinera, Marlou Aquino, Renren Ritualo, at Willie Miller.

Makakasama rin nila sina former NBA superstars Eddy Curry at DerMarr Johnson.

“I can’t wait. I’m looking forward to interacting with the fans,” sinabi ni Williams sa isang e-mail. Dagdag ni Williams, matagal na silang magkakilala ni Iverson at natutuwa siya sa pagkakataon na makasama ito sa court sa kanilang nalalapit na pagbisita sa Manila.

“Allen is an awesome person. It’s great working with him being that I’ve known him for so many years.”

Ang nasabing basketball fundraiser ay layong makakalap ng pondo para sa pagpapagawa ng mga bahay para sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Bilang isa sa pinakasikat na streetballer sa buong mundo, sinabi ni Williams na malaking bilang ng kanyang mga tagahanga ay mga Pilipino.

“A lot of my fans have reached out to me on social media and made me aware. I can’t wait to perform in Manila, especially for those who have not seen me play in person,” aniya. “I’d like to thank my Filipino fans for their support and I’ll see them all soon.”

Mabibili ang mga tiket para sa “All In” online sa www.smtickets.com, lahat ng SM Tickets outlets, at mga piling sangay ng PCWorx.