SA Pilipinas noong Pebrero 1986, mga bulaklak at rosaryo ang ibinigay ng mga demonstrador sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines na loyal kina ex-Pres. Ferdinand E. Marcos at ex-AFP chief of staff Gen. Fabian C. Ver upang hindi salakayin at pagbabarilin ang ilang milyong Pilipiino na naghahangad na maibalik ang demokrasya at kalayaan na sinaklot ng martial law at diktadurya. Sa Hong Kong naman ngayon, may tinatawag na “Umbrella Protest” na ang adhikain ay matamo at panatilihin din ang demokrasya at kalayaan na pinipilit supilin ng Beijing government matapos muling mapasakamay ng komunistang China ang teritoryo ng Hong Kong sa 1997 hand-over noon. Ang mamamayan ng HK na sanay sa sistemang demokratiko at malayang pamamahayag sa ilalim ng Great Britain sa loob ng maraming panahon ay tutol sa pagsagka ng communist China na sila ang pumili o maghalal ng mga lider na mangangasiwa sa kanilang kapalaran at kabuhayan.
Sa mga unang taon sa ilalim ng China, pinayagan ang tinatawag na One Government, Two System of Policies and Governance. Ibig sabihin, mananatiling demokratiko at malaya ang Hong Kong kahit ito ay nasa ilalim na ng Beijing leadership. Mananatili ang awtonomiya ng HK at magiging malaya tulad noong ito ay nasa ilalim pa ng United Kingdom. Tutol dito ang Mainland China dahil ang gusto ng gobyerno ni President Xi Jinling ay sila ang pipili ng mga lider na iboboto ng mga mamamayan ng Hong Kong. Hindi payag dito ang HK sapagkat ang nais nila ay sila mismo ang pipili at hahanap ng kanilang mga pinuno at manatili ang isang demokratikong Hong Kong.
***
Patuloy na idinidepensa ng Malakanyang si PNP Chief Alan Purisima kaugnay ng mga paratang sa kanya na kurapsiyon, pagkakamal ng illegal wealth, pagkakaroon ng mansion sa Nueva Ecija, pagpapatayo ng “White House” sa Camp Crame at pagbili ng mamamahaling SUV na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.
Nagtataka si Sen. Grace Poe na chairperson ng House committee on public order kung papaano nakabili si Purisima ng gayong kamahal na SUV gayong ang sahod niya bilang hepe ng PNP ay P107,000 lamang bawat buwan. Of course, bukod pa rito ang mansion, White House at ilang ektaryang lupain sa Pangasinan.