ILANG beses nang nag-host ng talent search si Regine Velasquez-Alcasid, pero para sa kanya ay pinaka-challenging at exciting ang bago niyang talent search show na Bet ng Bayan ng GMA-7. Ngayong 9:40 ng gabi na mapapanood ang pilot telecast nito at may updates si Alden Richards gabi-gabi, 10:05–10:20 p.m., directed by Mark Reyes.
“Isa sa ikina-excite ko, halos every week ay nagta-travel ako sa iba’t ibang lugar kung saan ginagawa ang contest,” kuwento ng much slimmer ng Asia’s Songbird. “Ang ikinaiba kasi ng talent search na ito, kaysa ang mga contestants ang pupunta sa Manila, kami ang pumupunta sa kanila, dala naming lahat ang mga kailangan sa competition. Ang maganda, isinasabay na rin namin ito kung may kapistahan sa lugar nila, na ipini-feature rin namin ang mga attractions nila doon, ang kanilang native foods, nagiging parang travelogue na rin.
“Minsan, isinasabay na namin ang Kapuso regional show para mas makapagbigay kami ng saya sa mga tagaroon. Saka hindi lang ito singing contest, may dancing and extraordinary performances na each ay magkakaroon ng winner, each representing Luzon, Visayas, Mindanao at Mega Manila. Ang nagiging problema lang namin, dahil sa labas ginagawa ang competition, unang-una naming kalaban, ang weather.”
Si Alden ang kasama ni Regine sa Bet ng Bayan, kumusta namang katrabaho ang co-host niya?
“Naku, bet na bet ko si Alden, matagal ko na siyang nakakasama sa SOP at Party Pilipinas noon pa at ngayon sa Sunday All Stars pero ngayon lang kami nagkasamang mag-host. Mabait siya, hindi ako nai-stress. He knows what to do at madali siyang katrabaho. He is a giving person, kaya wala akong problema sa kanya. Bumilib nga ako sa kanya dahil marunong siyang mag-host. Nang tanungin ko siya, nasa high school pa lamang pala siya, mahilig na siyang mag-host sa school nila, kaya comfortable na siya ngayon. Ang ayaw kong katrabaho, iyong parang laging ipinagmamalaki na mahusay sila. Naniniwala ako na dapat walang magpi-prima donna sa set, dapat pantay-pantay kami.”
Naiiba ang contest na ito dahil hindi sila gagamit ng text votes, kaya makakakuha sila ng totoong talents. Regular judges ng show sina Louie Ocampo at Kuh Ledesma plus one guest judge. Sa provincial contests naman, may makakatulong silang 10-member judges ng bawat community.
Humingi ba si Regine ng permiso sa asawang si Ogie Alcasid nang tanggapin niya ang proyektong ito?
“Pagdating sa aming respective careers na mag-asawa, kanya-kanya kami ng diskarte. Magkaiba naman ang managers namin, pero pinag-uusapan namin kung may mga inio-offer sa aming project. Inaamin ko naman na hindi perfect ang marriage namin, pero we are working on our relationship and so far, I’m having a wonderful time with my wonderful husband and son Nate who is turning three years old na in November.”
Pabirong tanong kay Regine, hindi ba siya naa-attract sa ibang guys lalo kung guwapo? Kaya ba niyang magkagusto pa sa ibang lalaki?
“Conservative talaga ako at inalagaan ko ang sarili ko na gusto ko ang magiging asawa ko lamang ang makakakuha noon. Ang gusto ko noon, two to three years old older lang sa akin. Kung may nami-meet akong guwapong lalaki, kapag tiningnan ko siya, ang nakikita ko reminds me of my husband. Si Ogie lang ang guwapo sa tingin ko. My husband is the most perfect man for me. God is with him. Kaya nga kapag tinatanong nila ako kung hindi ba ako nai-insecure sa ibang babae na namimi-meet ni Ogie, ang sagot ko, bakit ako mai-insecure, ako na nga ang asawa niya. At kahit si Ogie sinasabihan ko na hindi ko man nakikita kung nagloloko siya, si God ang nakakakita ng lahat ng ginagawa niya, kaya sa Kanya siya dapat matakot.”
Hindi ba nami-miss ni Regine ang pag-arte dahil matagal na siyang walang ginagawang teleserye at pelikula.
“Thankful nga ako na binigyan ako ng show ng GMA na marami akong free time para makasama ko ang family ko, lalo na si Nate na nahihirapan pa rin akong iwanan siyang mag-isa. Kaya the most na sinasabi ko kung out of town kami for Bet ng Bayan, overnight lang ako at uuwi rin agad kinabukasan. Maluwag din ang taping ko ng Sarap Diva na napapanood every Saturday morning. At every Sunday lang ako magho-host nitong Bet ng Bayan. Pero binigyan din ako ng isang Christmas special ng GMA News & Public Affairs na aarte naman ako. Siguro next year, kung may magandang story at role na ibibigay sa akin, baka gumawa ako muli ng isang drama series,” pagtatapos ni Regine.