BIG success, tulad din sa movies, ang TV debut nina James Reid at Nadine Lustre sa pamamagitan ng pilot episode ng Wansapanataym special last week kasama si Dominic Roque.
Pinatunayan ito ng national TV rating survey result mula sa Kantar Media noong Setyembre 27 na sumungkit pala ang unang episode ng Wansapanataym Presents My App Boyfie ng 29.5%, lamang ng halos 13 puntos sa katapat nitong programa sa GMA na Marian (16.6%).
Lalo pang pinatunayan ang sobrang lakas sa fans ng JaDine love team at ang tagumpay ng Wansapanataym special nila sa pagiging worldwide trending topic sa Twitter ng hashtag na “My App Boyfie Pilot Episode.” Bumuhos, as in, ang positibong tweets ng netizens na naging excited na pagsisimula ng kakaibang love story nila.
Mapapanood naman ngayong weekend sa Wansapanataym Presents My App Boyfie na unti-unti nang magbabago ang takbo ng buhay ni Anika (Nadine) dahil mararanasan na niya na magkaroon ng boyfriend sa katauhan ni Jowa (James). Inaabangan ng kanilang fans ang gagawin ni Anika kapag tuluyang nahulog ang kanyang loob sa kanyang “app boyfriend?”
Magagawa ba niya itong burahin kapag nagdulot ito ng gulo sa pamilya niya?
Tampok din sa Wansapanataym Presents My App Boyfie sina Cherie Gil, Malou Crisologo, Ingrid dela Paz, Jazz McDonald, Marco Pingol, at Elise Joson, mula sa panulat ni Noreen Capili at sa direksiyon ni Jojo Saguin.
Ang Wansapanataym ay isa sa mga de-kalidad na produkto ng Dreamscape Entertainment Television, ang business unit ng ABS-CBN na pinamamahalaan ni Mr. Deo Endrinal na lumikha ng mga de-kalibre at top-rating TV masterpiece ding Walang Hanggan, Ina Kapatid Anak, Juan dela Cruz at maraming iba pa.
Napapanood ang Wansapanataym special nina James, Nadine, at Dominic tuwing Sabado, alas- 7:15 ng gabi pagkatapos ng Home Sweetie Home at Linggo, alas-7 ng gabi pagkatapos naman ng Goin’ Bulilit sa ABS-CBN.