Ni ROY C. MABASA

Makatatanggap ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ng $17.68 ayudang pinansiyal mula sa Estados Unidos upang mapalakas pa ang kapabilidad ng mga ito sa pagsugpo sa terrorism at pangangalaga ng teritoryo ng Pilipinas, partikular sa Mindanao.

Ayon sa Philippine Embassy sa Washington DC, ang karagdagang pondo ay gagamitin bilang suporta sa Global Security Contingency Fund Program (GSFP) at Southeast Asia Maritime Initiative upang makatulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng PNP Maritime Group at Coast Guard sa pagbabantay sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Saklaw din ng kasunduan ang pagpopondo sa Law Enforcement Support Project na may layuning gawing propesyunal ang skills training sa PNP at iba pang ahensiya ng pamahalaan at pagpapalakas ng Southeast Asia Regional Maritime Law Enforcement Development Project sa pagtugon sa maritime issue.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Gagamitin din ang bahagi ng pondo sa Justice Sector Reform Project na magsusulong sa paglilinis sa criminal justice system sa bansa.

Ayon sa mga opisyal ng embahada, ang paglalaan ng pondo ay base sa Amendment 3 ng 2011 Letter of Agreement on Narcotics Control and Law Enforcement na nilagdaan ni Assistant Secretary of State for International Narcotics and Law Enforcement William Brownfield at Philippine Ambassador to Washington DC Ambassador Jose L. Cuisia Jr. sa US State Department.

Ang naturang pondo mula sa US ay bukod pa sa $40 milyon na inilaan ng US State Department at US Defense Department nitong nakaraang taon para sa GSCF program ng Pilipinas at $584,000 na ipinalabas noong 2012 bilang suporta sa counter-narcotics interdiction at law enforcement operation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport sa Pampanga.

Noong pang 2003, nagtutulungan na ang Amerika at Pilipinas sa pagpapalakas ng kapabilidad ng mga law enforcement agency ng dalawang bansa laban sa ilegal na droga at mga organized crime syndicate.