Halos lahat ng ahensiya ng gobyerno ay nakisawsaw na sa paglutas sa matinding problema sa trapiko sa Metro Manila at mga kanugnog na lugar. At may pagkakataon na ang ilang tanggapan ay halos magbangayan sa paghahain ng mga estratehiya na inaakala nilang nakapagpapaluwag sa usad-pagong na daloy ng mga sasakyan, lalo na sa kahabaan ng Edsa. Sa ganitong situwasyon, iisa ang impresyon ng sambayanan: Nakatutuliro.

Pati ang panukalang 4-day work week sa gobyerno ay ginamit na sa pagpapaluwag ng trapiko. Sa naturang sistema, ang mga kawani ng pamahalaan ay papasok lamang ng apat na araw sa isang linggo at pahahabain na lamang ang oras ng kanilang serbisyo upang sila ay makapanatili sa kani-kanilang mga tahanan. Anong garantiya na ang mga ito, lalo na ang mga may sasakyan, ay hindi maglalamiyerda sa mga lansangan kung sila ay walang opisina? Lalong sisikip ang trapiko. Ang nasabing panukala ay kaagad namang inalmahan ng pribadong sektor sapagkat ito umano ay makababawas nang malaki sa kanilang kinikita, lalo na sa mga manggagawa na pinasasahod lamang sa pamamagitan ng ‘no work, no pay’. Sinasabing ito ay patunay ng pagiging anti-worker ng gobyerno.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

May mga naniniwala rin na makaluluwag sa trapiko ang pagbabawal sa mga pribadong sasakyan na bumiyahe sa Edsa kung peak hours. Bakit pagbabawalan ang naturang mga sasakyan na gumamit ng mga lansangan na pag-aari ng taumbayan? Hindi ba ito produkto ng kawalan ng sentido komun? Isa pa, nais ng ilang sektor na gumawa ng mga kalsada sa baybay-dagat upang ang mga sasakyan ay makaiwas sa buhul-buhol na trapiko. Dito itataboy ang malaking trak na bumibiyahe sa kalapit na mga lalawigan. Gaano katagal ang konstruksiyon ng mga ito?

Matindi rin ang problema sa trapiko na idinudulot ng kaliwa’t kanang U-turn slots. Isa rin itong proyekto na walang lohika. Mabuti na lamang at binabawasan na ang mga ito – ang bagay na nakapagpapaluwag sa trapiko. Sa kabila ng lahat ng ito, bakit hindi pangatawanan ng gobyerno ang pagbabawas sa mga sasakyang bumibiyahe sa Metro Manila, lalo na ang mga kolorum? Dumadami ang mga behikulo subalit hindi naman lumalapad ang ating mga lansangan. Walang dapat maging inutil sa paglutas ng nakatutulirong trapiko.