PINAKA-CHALLENGING at pinakamapangahas ang paglalakbay ng Peabody awardee na si Jay Taruc sa labimpitong lungsod sa limang bansa sa Europe sa loob ng labindalawang araw, na napapanood sa Motorcycle Diaries, ang kanyang travel-documentary program sa GMA News TV.
Sa huling bahagi ng kanyang Europe expedition ngayong gabi, bibisitahin ni Jay ang magagandang tanawin sa Germany, Austria, Italy, Vatican at France.
Sa Marienplatz sa Munich, Germany, makilala ng grupo ng Motorcycle Diaries ang Pinay na si Lura at ang asawa niyang Aleman na si George. Sinamahan silang mamasyal sa Marienplatz o St. Mary’s Square at natikman ang sikat na beer ng mga Aleman.
Unforgettable rin ang kakaibang mga istrukturang na nakita ng grupo sa Europa -- ang sikat na Leaning Tower of Pisa sa Italy, at ang La Tour Eiffel o Eiffel Tower sa France, na mga pinakasikat at pinakadinarayong tore sa buong mundo.
Sa isang pambihirang pagkakataon, nalibot naman ni Jay ang loob ng pinakamalaking simbahang Katoliko sa buong mundo – ang St. Peter’s Basilica sa Vatican City. Bukod sa iba’t ibang obra ng mga kilalang artist sa kasaysayan tulad ni Michelangelo, makikita rin sa loob ng basilica ang himlayan ng pinakamamahal na santo papa at ngayon ay santo nang si St. John Paul II.
Pero sa kabila ng mga nakatutuwang karanasan sa pagbisita sa mga atraksiyon sa Europa, nakaranas din ng aberya ang grupo ni Jay. Pagkatapos ng paglilibot sa Roma, inabutan ng Motorcycle Diaries team na basag ang salamin ng kanilang service van. Ninakaw ang lahat ng gamit kasama ang mga laptop at hardrive na naglalaman ng kanilang mga kuha sa loob ng labindalawang araw ng ekspedisyon.
Sa kabila nito, hindi pa rin mapapantayan ang masasayang karanasan ng grupo kasama ng mga kababayan at mga bagong kaibigan na nakilala sa Europa.
Panoorin at pakinggan ang mga kuwento ng pagsubok, pagsisikap at pagpupunyagi ng ilan nating mga kababayan sa Motorcycle Diaries Europe Expedition ngayong 10:00 PM, sa GMA News TV Channel 11.