Kakulangan sa oxygen level at pagkakaroon ng ‘sangkatutak na nakalalasong elemento ang pangunahing sanhi ng fish kill sa Rosario, Cavite noong nakaraang linggo.

Nagtungo ang mga eksperto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Quick Response Team at Fish Health Unit ng BFAR-Region IV sa Rosario noong Setyembre 25 upang alamin ang pinagmulan ng pagkamatay ng mahigit isang toneladang isda sa apat na kilometrong Maalimango River—simula Barangay Bagbag 1 hanggang Barangay Ligtong 1 na karugtong ng Manila Bay.

Limang barangay ang dinadaanan ng ilog at ang mga ito ay Bagbag 1, Bagbag 2, Ligtong 1, Ligtong 3 at Ligtong 4.

“The stretch of Maalimango river is not an aquaculture-producing area and the fish affected by the mortality were wild stock species of tilapia, asohos (silago), banak (mullet) and biya (goby),” ayon sa ulat ng BFAR.

Eleksyon

Willie kaya nagbago-isip sa pagkandidato: 'Kawawa mga Pilipino!'

“Initial findings indicated that dissolved oxygen (DO) level in all three sampling points—Bgy. Bagbag Uno (B), Bgy. Ligtong 3 and Bgy. Ligtong 4—was below 3-5 mg/L or within the critical level,” dagdag nito.

“The water quality test came back with high levels of ammonia-nitrogen, nitrite-nitrogen, and phosphates, beyond acceptable level, in all the sampling sites,” ayon pa sa resulta ng pagsusuri.

Ang ammonia ay chemical compound na nanggagaling sa mga nabubulok na organic matter, kabilang ang mga halaman, hayop at dumi ng mga ito.

Ang nakuhang ammonia sa mga water sample ay maaari ring nanggaling sa dumi mula sa agrikultura, komunidad at industrial site.

Ang sobrang dami ng mga kemikal na ito ay may malaking epekto sa mga isda na maaaring maging sanhi ng kanilang pagkamatay, ayon pa sa BFAR.

Inirekomenda ng BFAR ang tamang paraan ng pagtatapon ng mga namatay na isda upang hindi na maibenta ang mga ito sa mga pamilihan at magdulot ng sakit sa mga tao. - Ellalyn B. de Vera