Ni ELLALYN B. DE VERA

Bagamat isinasangkot sa iba’t ibang katiwalian, mahigit sa doble pa rin ang lamang ni Vice President Jejomar C. Binay sa mga posibleng kandidato sa 2016 presidential elections, ayon sa pinakahuling survey ng Pulse Asia. Base sa survey na isinagawa noong Setyembre 8-15, 31 porsiyento ang nakuha na voters’ approval ni inay bagamat mas mababa ito ng 10 porsiyento mula sa 41 porsiyentong approval rating nito noong Hunyo.

Isinagawa ang survey sa kainitan ng mga isyu laban kay VP Binay, kabilang ang umano’y overpricing ng Makati City Hall Building 2 at iba pang proyekto sa siyudad kung saan inakusahan ito na nakakomisyon ng 13 porsiyento sa kada proyekto.

Ikinagulat naman ng kampo ni Binay ang resulta ng Pulse Asia survey. “Sobrang tindi ng atake at paninira. Pero sa taumbayan, naniniwala silang si Vice President Jejomar Binay pa rin ang makatutugon sa problema nila,” ayon kay Toby Tiangco, interim president ng United Nationalist Alliance (UNA).

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang tanong sa survey: “ Sa mga personalidad na kabilang sa listahan na ito, sino ang inyong iboboto sa 2016 presidential elections kung ito ay gaganapin ngayon at sila ang mga kandidato?”

Si Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang pumangalawa sa survey matapos umani ng 13 porsiyento, na mas mataas ng dalawa hanggang apat na puntos (mula ikatlo hanggang anim na puntos noong Hunyo). Si Binay ang nangungunang presidential candidate sa natitirang bahagi ng Luzon na may 32 porsiyento; Metro Manila, 33 porsiyento; at Mindanao, 33 porsiyento; habang sa Class D ay 32 porsiyento at Class E, 33 porsiyento.

Sa Visayas, halos pantay ang nakuhang suporta ni Binay (27 porsiyento) at Roxas (22 porsiyento).

Pangatlo sa puwesto si Senator Miriam Defensor Santiago na may 11 porsiyento. Pumupuwesto rin si Santiago kasama si Roxas at Senator Francis “Chiz” Escudaro sa ikaapat hanggang ikaanim na puwesto.

Sa Class ABC, pukpukan sina Binay na nakakuha ng 23 porsiyento at Santiago na may 17 porsiyento.

Pantay rin sina Senator Grace Poe at Manila Mayor Joseph Estrada sa ikalimang puwesto na pawang nakakuha ng 10 porsiyento.