Sa ikatlong pagkakataon, sinampahan na ng kasong plunder sa Office of the Ombudsman si Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima subalit sa pagkakataong ito ay may kaugnayan umano sa kuwestiyunableng yaman nito.
Ang kaso ay iniharap ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na kinakatawan ng legal counsel nito na si Atty. Manuel Obedoza, Jr. na siya ring vice-chairman ng VACC.
Una nang naghain ng kasong pandarambong ang grupong Coalition of Filipino Consumers (CFC) laban sa nasabing heneral dahil na rin pagkakaroon nito ng mansyon sa San Leonardo, Nueva Ecija na nagkakahalaga ng P3.7 milyon at iba pang farm nito.
Bukod pa rito ang pagpapagawa ng official residence ng PNP chief sa loob ng Camp Crame na ginastusan umano ng P25 milyon.
Nauna nang inihayag ng Civil Service Commission (CSC) na “kulang sa impormasyon o hindi detalyado” ang statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ni Purisima na isinumite nito sa nasabing ahensiya.
Si Purisima ay dumating na kahapon sa bansa matapos ang lagpas isang linggong official trip nito sa Colombia.