Ni AARON RECUENCO
Papalakasin pa ang kapangyarihan ng mga tinaguriang “honesty team” ng Philippine National Police (PNP) sa pagtukoy ng mga pulis na ginagamit ang kanilang tsapa sa pangongotong at iba pang ilegal na aktibidad.
Sinabi ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, hepe ng PNP Public Information Office, makatutulong ang mga honesty team sa ikinasang lifestyle check ng Department of Interior and Local Government (DILG), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Department of Finance (DoF) laban sa mga opisyal at tauhan ng Pambansang Pulisya na may itinatagong ilegal na yaman.
“The purpose is to conduct an intensive nationwide campaign against erring PNP personnel engaged in extortion or ‘kotong’, ‘hulidap’, bribery, and other forms of illegal activities,” pahayag ni Sindac. Ibinunyag ni Sindac na mayroon nang ilang miyembro ng PNP, kabilang ang ilang heneral, na isinasailalim sa lifestyle check.
Aniya, kumukuha ng impormasyon ang mga itinatag na honesty team mula sa mga concerned citizen, kapwa nila pulis at counterintelligence team ng PNP.
Subalit iginiit ni Sindac na sinimulan na nilang ipatupad ang konsepto ng honesty team noong 2006 at marami nang nagawang hakbang ang liderato ng PNP kaugnay dito.
Kabilang dito ang pagpapalabas ng Letter of Instruction mula sa Office of the Chief PNP na nagtatakda ng panuntunan sa pagpapataw ng karampatang parusa sa mga pulis na sangkot sa ilegal na aktibidad.
Noong 2013, nagpalabas din ng isang memorandum ang liderato ng PNP na nag-aatas sa lahat ng regional director na magasagawa ng lifestyle check sa mga pulis na nakatalaga sa mga tanggapan na madaling magamit sa pangongotong – mula sa regional headquarters pababa sa lebel ng police station.