Pormal nang iginawad sa University of Perpetual Help System Dalta (UPHSD) ang panalo matapos na ‘di sumipot ang Emilio Aguinaldo College (EAC) sa kanilang laro sanhi na rin sa kakulangan ng kanilang manlalaro sa pagpapatuloy kahapon ng NCAA Season 90 sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Matatandaan na apat na manlalaro lamang ang nalabi para sa Generals nang suspindehin ng ManCom ang lahat ng kanilang mga manlalaro na angkot sa nangyaring rambulan sa laban nila ng Mapua noong Lunes.
Isinagawa pa rin ang tradisyunal na ceremonial toss na sinundan ng pagbuslo ng unang basket bago ganap na iginawad sa Altas ang panalo na nagluklok sa mga ito sa solong ikaapat na puwesto na taglay ang barahang 10-6 (panalo- talo).
Sa kabila ng pagpabor sa kanila ng pangyayari, nalungkot si Altas coach Aric del Rosario para sa liga at sa mga players na nasuspinde.
“Nakakalungkot kasi blackeye ito sa NCAA. Ngayon na lang ulit nangyari ito, kahit pabor sa amin hindi pa rin nakatutuwa kasi ‘yung mga player hindi rin naman nila ginusto ‘yun, sigurado gusto din nilang maglaro,” pahayag ni Del Rosario.
Ganito rin halos ang saloobin ng kanyang mga player.
‘”Hindi naman namin ginusto ito, desisyon kasi ‘yun ng mga league official. Pero kahit pabor sa amin nakakalunghkot din kasi ‘yung mga player gusto ding maglaro ng mga ‘yun, kaya lang nangyari na nga ito,” pahayag naman ni Altas team captain Harold Arboleda.
Dahil sa kaganapan, lalo namang nabaon ang Generals sa ilalim ng team standings sa barahang 3-13.
Kaugnay naman ng estado ng EAC, bilang probationary member, sinabi ni Management Committee chairman at season host Jose Rizal University (JRU) athletic director Paul Supan na magkakaroon pa sila ng kaukulang evaluation sa pagtatapos ng taon.
“For now we’re just trying to move on from the brawl and the suspension that’s been handed out. The evaluation will happen towards the end of the season,” ani Supan.
Dahil sa panalo, posible pang humabol ang Altas sa No. 2 spot sakaling talunin nila sa kanilang susunod na laban ang College of St. Benilde (CSB) at maipanalo ang huling laro laban sa San Sebastian College (SSC) at kung matatalo ang Arellano University (AU) sa San Beda College (SBC) at Lyceum.
Samantala sa juniors division, nakatikim din sa wakas ng panalo ang EAC Brigadiers matapos nilang ungusan ang Perpetual Altalettes, 85-82.
Pinangunahan ni Mark Castillo ang nasabing panalo ng Brigadiers, ang kanilang una sa loob ng 16 na laro, sa itinala nitong 18 puntos habang nag-ambag naman si Edlor Cayabo ng 15 puntos at 11 rebounds.
Sa kabilang dako, nanguna naman para sa Altalettes na bumaba sa barahang 3-13 (panalo-talo) si Raphael Chavez na nagposte ng game high 21 puntos at personal best na 17 rebounds.