Isinusulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang waste-to-energy incineration bilang solusyon sa problema sa baha at ‘santambak na basura sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang teknolohiya mula sa Sweden ang makatutulong sa pagdidispatsa ng tone-toneladang basura na karaniwang itinatapon sa mga daluyan ng tubig na nagdudulot ng baha sa mga lansangan.
“Sa Sweden, simula pa noong 1960s ay gumagamit na sila ng incineration. Kaya walang basura, walang baha,” ani Tolentino.
Bagamat may mga probisyon sa ilalim ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000 na naghihigpit sa paggamit ng mga incinerator, sinabi ni Tolentino na mayroong mga incinerator na walang usok at hindi banta sa kalikasan.
Ayon sa MMDA chief, nagpahayag nang suporta ang Vice Mayors League of Metro Manila at Metro Manila Council sa panawagan sa paggamit ng mga incinerator upang maresolba ang problema sa baha at basura.
“Incineration is the only way to clear garage from the waterways and household. If we become successful, garbage outside Metro Manila and neighboring areas like Bulacan, Rizal, Cavite can be accommodated. Imagine a clog-free San Juan River, free of thrash Roxas Boulevard,” pahayag ni Tolentino.
Aniya, malaki ang maitutulong ng mga incinerator sa pagbabawas ng basura na nahihigop ng mga MMDA pumping station na nagreresulta ng aberya sa pasilidad at pinag-uugatan ng baha sa Metro Manila.
Sinabi pa ni Tolentino na nangangailangan ang Metro Manila ng apat na incinerator na nagkakahalaga ng P7 bilyon ang bawat isa.