SCIENCE CITY OF MUÑOZ, Nueva Ecija – Bibigyan ang mga nagtatanim ng palay ng tamang impormasyon para maiwasan ang matinding pinsala sa palayan ng El Niño.
Namahagi na ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ng mga brochure at leaflets tungkol sa El Niño, at nakapag-upload na rin ng mga babasahin, modules, audio at video sa website ng ahensiya para sa mga information officer ng Department of Agriculture (DA), ayon kay Jaime A. Manalo IV, hepe ng Development Communication Division ng PhilRice.
“Alam namin ang kapangyarihan ng impormasyon. Gawin nating handa ang mga magsasaka. Paki-download ang mga babasahin mula sa http://www.philrice.gov.ph/index.php?page=resources&page3=elnino at ibahagi ito sa social media,” sabi ni Manalo.
Tinuruan din ang mga magsasaka sa Isabela sa alternate wetting at drying, o ang halinhinang pagpapatubig sa mga palayan.
Hinihikayat din ni Manalo ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa text center (0920-9111398) para sa anumang nais malaman tungkol sa El Niño.