Halimbawang marami kang nainom na alak kagabi dahil nag-selebrate ng buong barkadahan mo sa birthday mo o ng iyong kasama sa trabaho. At nang sumapit ang unang oras ng iyong trabaho sa umaga, pinagsisisihan mo iyon. Matindi ang sakit ng iyong ulo, parang tumitibok na kasabay ng tibok ng puso mo, at nanunuyo ang iyong bibig at lalamunan at sana huwag masyadong maingay ang paghinga ng iyong mga kasama dahil naiingayan ka sa kakaunting tunog. Nararamdaman mo na kapag kumain ka, kahit kaunti lang, ay masusuka ka, kaya hindi ka na nag-almusal. Ngayon, ang tanging iniisip mo na lang ay kung paano ka magsusurvive hanggang alas singko ng hapon. narito ang ilang paraan:
- Uminom ka ng maraming tubig. – malamang na dehydrated ka pa. Kaya ang una mong hakbang ay ang uminom ng isang malaking basong tubig. Pero hinay-hinay lang ang paginom lalo na kung nakararamdam ka na parang masusuka.
- Uminom ng painkillers. – ang isang banayad na painkiller ay makatutulong sa pagpapahupa ng sakit ng ulo. Uminom din ng tabletang makapagbibigay-ginhawa sa iyong tiyan.
- Kumain. – marami sa mga may hangover ang ayaw kumain ngunit makatutulong ang pagkain sa pagpapanumbalik ng iyong lakas. Kumain ng tinapay o biskwit kung inaakala mong hindi kakayanin ng iyong tiyan ang kanin o anumang pagkain.
- Umiwas sa mga hidwaan. – Siyempre, mas magandang ideya ang umiwas sa mga pagtatalo sa iyong mga kasama sa trabaho ngunit kung mayroon kang hangover, sikaping umiwas sa mga situwasyong maaari kang mag-over-react. Kung may isa kang kasamang nagsabi ng hindi mo gusto, palampasin mo na.
- Huwag magmadali. – Kahit na ang isang madaling trabaho ay maaaring maging nakapakahirap kapag mayroon kang hangover. Huwag mo itong madaliin kahit marami ka pang trabaho na nakapila. Lalo kang mawawalan ng oras kung lagi kang magkakamali dahil kailangan mong ituwid ito.