Ni JUN FABON

Naaresto sa follow-up operation ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD- CIDU) ang limang hinihinalang hired killer na pumaslang kay P/Chief Insp. Roderick Medrano sa Novaliches, Quezon City kamakailan.

Sa report ni P/Supt. Rodel Marcelo ng CIDU kay QCPD Director Chief Supt. Richard Albano, kinilala ang mga suspek na nakapiit ngayon sa detention cell sa Camp Karingal na sina Clemente Versosa, 49, ng Katuparan St., Bgy. Commonwealth, Q.C.; Larry Consolacion, 42, ng No. 61 Liedo St., BF Homes Parañaque City; Joean Marco, 43, ng Steve St., Bgy. Commonwealth Quezon City; Rodener Necesito, 39, ng 360 St., Bgy. Commonwealth, Q.C. at isang Christian Geronimo.

Matapos ang pananambang kay Medrano noong Setyembre 1, 2014 sa Zabarte Road, Novaliches, kaagad na nagsasgawa ng follow–up operation ang CIDU sa pamumuno ni P/Supt Marcelo sa Barangay Central.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

Sa gitna ng operasyion dakong 1:15 ng madaling araw noong Miyerkules , namataan ng mga operatiba ng CIDU si Geronimo sakay ng motorsiklo na walang plaka sa Central Avenue sa Quezon City.

Nakilala ang motorsiklo bilang ang sasakyan ng mga suspek na nakita sa CCTV camera kayat kaagad na inimbitahan ng mga operatiba ng CIDU si Geronmimo.

Kasunod nito, agad na nadakip ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Versosa, Consolacion, Marco at Necesito matapos inguso ni Geronimo sa Barangay Central, Quezon City.

Napag-alaman kay Supt. Marcelo sa presscon sa Camp Karingal na ang mga suspek ay pawang market collector ng Commonwealth Public Market.

Nakuha sa mga ito ang baril at radio na ginagamit sa kanilang trabaho.

Sinampahan na ang mga suspek ng kaukulang kaso sa Quezon City Prosecutors Office.