PAGKARAAN ng ilang buwan simula nang i-appoint si Dingdong Dantes bilang commissioner-at-large ng National Youth Commission (NYC), kahapon ay pormal na siyang itinalaga ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa Rizal Room ng Malacañang Palace. Sinamahan si Dingdong ng kanyang mga magulang na sina G. at Gng. Jose Sixto Dantes II at ng kanyang bride-to-be na si Marian Rivera.
Kahit busy si Dingdong sa trabaho niya bilang actor, halos every week ay pumupunta siya sa iba’t ibang lugar sa bansa, lalo na kung may GMA regional shows siya at isinasabay na niya ang pagiging commissioner-at-large niya saanman siya pumunta. Kadalasan, kasama niya ang kanyang Yes Pinoy Foundation na limang taon nang tumutulong sa kabataan at sa mga tao o pamilyang higit na nangangailangan lalo na kung panahon ng mga sakuna at kalamidad.
“Isang malaking karangalan sa akin na maging bahagi ng mga youth movement, sa pamamagitan ng katungkulang ibinigay nila sa akin,” sagot ng Kapuso Primetime King nang tanungin namin siya minsan kung hindi ba magkakaroon ng conflict sa kanyang trabaho bilang artista ang katungkulang iniatang sa kanya. “Sa palagay ko nga makatutulong pa ang pagiging artista ko para makalapit ako sa mga kabataan natin.”
Sa huling dalawang linggo ng Agosto, na may regional shows si Dingdong, bago siya umaakyat sa stage, may outreach muna siya sa mga barangay, may gift-giving, at hinihikayat niya ang mga tao na mag-register para sa 2016 national elections. Noong Huwebes, bago nagtungo sa kanyang Kapuso Fans Day sa Cagayan de Oro City, kasama siya ni City Mayor Oscar Moreno, ng city councilors, DepEd representatives and other agencies, sa signing ng executive order na bumuo ng city alliance for “Abot Alam” program, para mawala na ang mga problema nila sa out-of-school youth sa siyudad.
Nangako rin si Dingdong na sa pamamagitan ng kanyang katungkulan, maglalaan siya ng oras para sa kabataan upang maging active partners sa nation-building sa pamamagitan ng youth programs at projects na ihahanda nila hanggang sa tuluyang maging dakilang tagapaglingkod sila sa kanilang komunidad at sa bansa.