Ni BEN R. ROSARIO

Hindi na mangangambang makasuhan ng plunder ang susunod na batch ng mga mambabatas na isasangkot sa P10-bilyon “pork barrel” fund scam, pero mahaharap pa rin sila sa isa pang non-bailable offense.

Ito ang ibinunyag sa mga mamamahayag ng isang mataas na opisyal ng Department of Justice (DoJ) makaraang sabihin noong nakarang linggo ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na malapit nang kasuhan ang panibagong grupo ng mga kongresistang dawit sa maanomalyang paggastos sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

“We are conducting preliminary investigation. So as soon as we firm up our evidence then we can file the next batch of cases against the respondents, if we find probable cause,” sinabi ni Morales sa mga mamamahayag bago siya humarap sa Kongreso para idepensa ang budget ng kanyang tanggapan noong nakaraang linggo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tumangging magpabanggit ng pangalan, inamin ng nasabing mataas na opisyal ng DoJ na hindi makakasuhan ng plunder ang susunod na batch ng mga mambabatas at opisyal na sangkot sa PDAF scam.

“Malversation of public funds was clearly committed. But I don’t think there is plunder,” paliwanag niya.

Aniya, ang mga ebidensiyang ipiprisinta laban sa mga bagong akusado ay nakabatay sa findings ng Commission on Audit (COA).

Tiniyak din ng opisyal na sasampahan ng kasong kriminal ang mga sangkot na kongresista kahit magkano pa ang sinasabing ibinulsa nito mula sa sariling PDAF.

“Whether it is a P20 kickback or P200 kickback, the fact remains that public funds were pocketed,” aniya.

Maaaring magpiyansa sa malversation of public funds kung nasa P20,000 pababa ang sangkot na halaga, ngunit kung higit dito, makukulong ng 20 taon hanggang habambuhay ang mapatutunayang nagkasala.

Sa special audit report sa paggastos sa PDAF mula 2007 hanggang 2009, inakusahan ng COA ang mahigit 100 kongresista at senador ng maanomalyang paggastos sa pondo ng gobyerno.