COTABATO CITY – Iginiit ng nagsipagtapos ng education at wala pang trabaho ang imbestigasyon sa ipinagpaliban na pagpupuno sa mahigit 2,000 posisyon para sa mga guro sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), sinabing ang wala sa katwirang “freeze” ay nagbubunsod ng graft at corruption sa rehiyon na kilala sa mataas nitong illiteracy rate.

“Sa isang rehiyon na apektado ng mataas na illiteracy rate, ang pagpigil sa daan-daan kundi man libu-libong bagong posisyon para sa mga guro ay lubhang kaduda-duda,” sabi ni Fatima, nagtapos ng elementary education at may teacher’s eligibility.

Nagtapos at nakakuha ng teacher’s eligibility noong 2008, sinabi ni Fatima na hangad niya at ng napakaraming gaya niyang eligible pero walang trabaho ang imbestigasyon sa umano’y “freezing” ng 2,000 bagong trabaho sa Department of Education (DepEd) sa ARMM.

Para sa 2014, mahigit 13,000 bagong trabaho para sa mga guro ang binuksan sa bansa, at 3,300 rito ang para sa ARMM, ayon sa report ng DepEd central office noong Pebrero.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mayo ngayong taon nang ihayag ng DepEd-ARMM ang pagkuha sa 1,364 na bagong guro para sa Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi at sa Marawi City at Lamitan City, at kalaunan ay pupunan ang 2,645 pang posisyon upang masolusyunan ang kakapusan ng guro sa rehiyon.

Agosto 29 nang inihayag ng Bureau of Public Information (BPI) ng ARMM na nagsasagawa ang regional DepEd ng Teachers Assessment and Competency Exam (TACE) upang makapag-hire ng 2,000 guro ngayong taon, tinukoy ang 625 licensed teacher-applicants para sa mga bakanteng posisyon sa Lanao del Sur.

Hindi ipinaliwanag ng BPI at DepEd-ARMM kung bakit ipinagpaliban ang pagpuno sa 2,000 trabaho para sa mga guro, kabilang ang mga binakante ng nagsipagretiro.

Sa unang quarter ng taong ito, inihayag ni Dep-ARMM Secretary Jamar Kulayan na may “savings” ang kagawaran na mahigit P200 milyon sa pondo, bagamat hindi idinetalye ang tungkol dito. - Ali G. Macabalang