Ni HANNAH L.TORREGOZA

Sinabi kahapon ni dating Senator Joker Arroyo na naging “one-sided” na ang mga isinasagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, kaya naman nawawala na ang kredibilidad nito bilang isang patas na investigating panel.

Ayon kay Arroyo, dating chairman ng panel, na dapat na masusing pag-aralan ng liderato ng Senado, sa pangunguna ni Senate President Franklin Drilon, ang rules at regulations ng komite na pinamumunuan ni Sen. Teofisto “TG” Guingona III, partikular ang pagtrato nito sa mga karapatan ng mga testigo.

“The Senate should take a second look on how they conduct investigations because the Senate is losing respect. Its ratings are going down,” sinabi ni Arroyo sa panayam ng DZBB.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sinabi ni Arroyo na wala nang kredibilidad ang komite ngayon.

“Itong Blue Ribbon Committee now, hindi na ito ‘yung Blue Ribbon Committee as it was before,” aniya.

Kilalang kaalyado ni Vice President Jejomar Binay, sinabi ng dating senador na dapat na ireporma ng Senado ang mga panuntunan ng komite at tiyaking patas ito.

Umiwas naman si Arroyo sa mga kontrobersiyang iniuugnay ngayon sa mga Binay kaugnay ng umano’y overpricing ng Makati City Hall Building 2.

“Talagang ‘pag humarap ka dyan sa Blue Ribbon (ngayon), Binay or not or anyone else, talagang one-sided na ‘yan,” aniya.

“First, is the quorum, the quorum constitutes 17 regular members na four ex-officio, total of 21 members. Only two will constitute a quorum. Imagine? Two out of 24 will constitute a quorum?” paliwanag ni Arroyo.

Pinuna rin ng dating senador na hindi maaaring ihinto ang legislative proceeding kahit pa nililitis na ang isang kaso sa Office of the Ombudsman o sa Department of Justice (DoJ), at tinukoy din ang kabiguan ng komite na maglabas ng pormal na committee report na pirmado ng karamihan sa mga miyembro nito.

“A committee report must be prepared and signed by the majority of members. Mayroon bang committee report na pina-file na committee report?” aniya. “Katamaran ‘yan ah, kasi kapag gumawa ka ng committee report in writing makikita mo ang mga defect na puwedeng i-criticize tulad ng desisyon ng Supreme Court na puwedeng rebyuhin. Kaya hindi nagpa-file ng committee report.”

Sinabi ni Arroyo na hindi niya ikinokonsiderang full committee report ang committee report ni Guingona sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

“That is a draft committee report, hindi naman committee report iyon, at hindi ni-release. Tulad sa (imbestigasyon sa) DAP (Disbursement Acceleration Program), walang committee report,” aniya, sinabing ang committee report sa kaso ng pork barrel scam ay dapat na inihain sa plenaryo para sa pinal na pag-apruba ng body.