Ni GENALYN D. KABILING
Sa loob ng 12 araw sa susunod na buwan, mag-iikot si Pangulong Benigno S. Aquino III sa ilang bansa sa Europe at United States upang makipagpulong sa lider ng mga ito.
Una nang inihayag ng Pangulo na bibisita siya sa limang bansa, kabilang ang Amerika, sa Setyembre upang palakasin ang ugnayang diplomatiko at makaakit ng mga foreign investor.
“Tutungo tayo sa Spain, sa France, sa Germany, Belgium at saka sa Amerika,” pahayag ng Pangulo sa panayam sa Bombo Radyo.
Base sa kanyang tentative schedule, bibiyahe si PNoy sa limang bansa sa Europe at US simula Setyembre 13 hanggang 24. Ang kanyang huling biyahe sa ibang bansa ay sa Japan noong Hunyo.
Ipinaliwanag ng Punong Ehekutibo na makabuluhan at mahalaga ang pagbisita niya sa iba’t ibang bansa para sa pagpapalakas ng ugnayang diplomatiko at pangkalakalan. Ito ang unang pagkakataon na bibiyahe ang Pangulo sa mga bansa na miyembro ng European Union.
“First time nating bibiyahe sa mga bansang ito kung saan, may dalawang pakay: one, as usual, makipag-ugnayan na mas mabuti dito sa mga bansang binanggit,” pahayag ni Aquino.
“Number two, iyong komersiyo nga, mapalawak,” dagdag niya.
Ilang negosyante mula sa mga bansa na nabisita na niya simula nang manungkuluan siya bilang pangulo ang nagpahayag ng interes na magbuhos ng puhunan sa Pilipinas bunsod ng lumago nitong ekonomiya.