Ni ALEXANDER D. LOPEZ

DAVAO CITY – Inihayag ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na iniimbestigahan na nila ang napaulat na pangangalap ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ng kabataang Pinoy na Muslim mula sa Mindanao.

Ayon kay EastMinCom chief information officer Captain Alberto Caber, ipinag-utos na ni Lt. General Ricardo Rainier Cruz ang pagsisiyasat kasunod ng mga ulat tungkol sa nasabing recruitment sa rehiyon, kabilang ang Davao City.

Dagdag ni Caber, kumakalat na ng sapat na impormasyon at datos ang intelligence units ng AFP tungkol sa usapin, na sinegundahan naman ng bagong hepe ng Intelligence Service ng AFP (ISAFP) na si Brig. Gen. Arnold Quiapo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Matatandaang sa kanyang regular na TV program noong Linggo ay nagpahayag ng pagka-alarma si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga ulat na nangalap ng kabataang Filipino-Muslim ang ISIS sa Mindanao para makipagdigmaan sa Middle East, at umalis na ang mga bagong recruit noong Hulyo.

Ngunit sa isa pang panayam sa media noong Lunes, nilinaw ni Duterte na sinabi lang niya ang report na kanyang natanggap.

“I said na may nagbulong sa akin dito na may mga batan-on, young Filipino Muslims pumunta ng Middle East kasi nakipagsapalaran doon sa giyera,” paglilinaw ni Duterte. “Takot ako baka nandoon sila sa ISIS at makuha nila ang technology of terror. ‘Pag na import dito (Pilipinas) ‘yan, magkakaproblema tayo.”

Tumanggi naman si Duterte na pangalanan ang kanyang mga source.

Sinabi naman ni dating Pangulong Fidel Ramos na may 100 kabataang Pinoy na Muslim ang nagsasanay na ngayon sa ISIS sa Middle East.

Kaugnay nito, duda naman ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa katotohanan ng nasabing recruitment ng ISIS sa Pilipinas.

“The report that some 100 elements of the Abu Sayyaf Group and so-called Bangsamoro Islamic Freedom Movement have travelled to the Middle East and joined the Islamic State of Iraq and Syria is very unlikely,” saad ng MILF sa editorial na naka-post sa website www.luwaran.com. (May ulat ni Tara Yap)