Ni CHITO CHAVEZ
Libu-libong katao mula sa iba’t ibang grupo ang nagmartsa kahapon sa Luneta Park sa Maynila upang makibahagi sa “People’s Initiative” na iginigiit na maibasura ang ano mang uri ng “pork barrel” fund na anila’y ugat ng katiwalian sa mga sangay ng gobyerno.
Eksaktong isang taon matapos isagawa ang “Million People March,” nagsagawa ng signature campaign ang iba’t ibang sektor upang kumbinsihin si Pangulong Benigno S. Aquino III na tigilan na ang paggamit ng pork barrel mula sa kaban ng bayan.
Ayon sa mga lider ng organisasyon, target nilang makalikom ng anim na milyong lagda upang mahikayat ang Malacañang na tigilan na ang paggamit sa kontrobersiyal na pondo.
Dakong 9:00 ng umaga nang nagsimulang magtipun-tipon sa Luneta ang mga anti-pork group mula sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog region.
Ayon kay Leon Dulce, ng Kalikasan People’s Network for Environment, sa halip na inalaan ang pondo ng bayan sa makabuluhang proyekto sa pangangalaga sa kapaligiran ay nagagamit lang ang pork barrel para sa mga kapritso ng mga abusadong pulitiko.
Habang bitbit ang kanyang 10-buwang anak sa rally, sinabi ni Joanna Almodal, isang volunteer worker, na napupunta lang ang pondo mula sa pork barrel sa bulsa ng mga pulitiko sa pamamagitan ng mga ghost project.
Nagmartsa rin patungong Mendiola ang mga grupo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Abolish Pork Movement, Scrap Pork Network, Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), Concerned Citizens Movement, Youth ACT Now, BABALA at Church People’s Against Pork Barrel upang kondenahin ang umano’y pagkamanhid ni PNoy sa isyu ng paggamit ng “pork fund.”