Magiging balikatan ang labanang magaganap sa 2014 Philracom 1st leg ng Jevenile Fillies, Colts Stakes races kasabay sa pag-alagwa ng New Philippine Jockey Association Inc. (NPJAI) na paglalabanan ng 2-Year-Old sa Santa Ana Park Saddle and Club sa Naic, Cavite ngayong hapon.
Bukod sa Class Division, hahataw din ang Handicap race sa 12 karerang bibitawan at siguradong magkakadehaduhan ang mangyayaring labanan.
Mangunguna sa 1st leg ng Juvenile Stakes race ang Hook Shot, Viva La Vida, Jazz Asia, Cat Express, Princess Ella, Leona Lolita at Karangalan.
Pinapaboran sa naturang event ang Leona Lolita laban sa Karangalan, Cat Express, Princess Ella at Hook Shot.
Tatanggap ang magkakampeon ng premyong P600,000 habang naghihintay sa pangalawa ang P225,000, P125,000 sa ikatlo at P50,000 sa ikaapat.
Pagkakalooban rin ng tropeo ang tatanghaling kampeon habang mabibiyayaan ng P30,000 breeder sa mananalong kabayo.
Pero bago ang Juvenile Stakes race, matutunghayan muna ng mga karerista ang NPJAI-Mr. George Y. Stribling trophy race na paglalabanan ng 10 kalahok na pawang 2-year-old.
Ilan sa mga pinapaboran ang Rio Grande, Señor Patrick, Wafu The King at couple entry na Stone Lauder at Pusang Gala, Win JC Win, Fiscalizer at Iron Monk.
May naghihintay na premyong P180,000 sa magwawagi, P67,500 sa pangalawa, P37,500 sa ikatlo at P15,000 sa ikaapat.
Magsisimula naman ang 1st Winner Take All sa race 1 na magtatapos sa race 7, habang ang ikalawang WTA ay magsisimula sa race 6 na kapapalooban ng Super Six at magtatapos ito sa race 12.