Ipinag-utos noong Miyerkules ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Gregorio Pio Catapang sa bagong talagang Western Command commander na si Rear Admiral Alexander Lopez, na paigtingin pa ang internal security operations sa kanyang nasasakupan, i-neutralize ang mga kalaban ng estado nang hindi lumalabag sa karapatang pantao at walang collateral damage.

At ang pinakaimportante ay matiyak na mababantayan at mapoprotektahan ang teritoryo ng bansa laban sa mga gustong sakupin ito.

Ganito ang naging bilin ni Catapang ng Western Command matapos muling magpakita ng pagiging agresibo ang China sa bahagi ng West Philippine Sea.

Nabatid na pinatindi pa ng China ang ‘pagpaparamdam’ sa Recto Bank na nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinaalalahanan ni Catapang ang mga sundalo na protektahan ang pambansang interes nang hindi nasasangkot sa kaguluhan o magdudulot ng anumang problema dahil nais lamang ng pamahalaan na magkaroon ng kapayapaan sa nasabing lugar at magiging bukas sa komersyo at kalakalan sa rehiyon nang walang nilalabag na karapatan.

Sinabi pa ng heneral na kanilang hinihikayat ang mga mangingisda sa lugar na gawin ang kanilang mga normal na aktibidad dahil hindi pa naman nadedeklara kung kanino talaga ang lupa at ang pinag-aagawang karagatan at sa ngayon ay open sea ito o pag-aari ito ng lahat.

Kinumpirma ni Catapang na may presensiya pa rin ng mga barko ang China sa lugar.