Sampung sundalo ang sugatan matapos tambangan ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf sa Basilan kahapon ng umaga.
Sinabi ni Lt. Col. Paolo Perez, commander ng 18th Infantry Battalion, na naganap ang pag-atake habang ang tropa ng pamahalaan ay patungo sa isang road project sa Tipo-Tipo dakong 10:00 ng umaga.
“Nasabugan ng isang landmine ang sasakyan ng mga sundalo sumunod ang bakbakan,” pahayag ni Perez. Aniya, tinatayang aabot sa 10 hanggang 15 miyembro ng Abu Sayyaf sa pamumuno ng isang Furuji Indama ang nasa likod ng pag-atake.
Siyam sa mga nasugatan ay sundalo habang ang ika-10 ay isang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU), ayon sa ulat.
Agad na nagpadala ng reinforcement ang tropa ng Philippine Army, dahilan upang magsitakas ang mga bandido. - Aaron Recuenco