Agad na nakalasap ng kabiguan ang Team Pilipinas matapos huling magtapos sa kabuuang 32 kalahok ang representante ng bansa sa triathlon na si Victorija Deldio sa unang event na nakataya ang gintong medalya sa pagsisimula ng 2nd Youth Olympic Games sa Nanjing, China.
Tumapos sa ika-32 puwesto ang 16-anyos mula sa Olongapo City at 1st year sa University of the Philippines na si Deldio matapos na itala ang mga oras na 13:08 segundo sa swim, 37:11 segundo sa bike at 22:26 segundo sa run para sa kabuuang 1:14:07 tiyempo.
Iniuwi ni Brittany Dutton ng Australia ang ginto sa kabuuang oras na 59.56 segundo habang pilak si Stephanie Jenks ng United States sa oras na 1:00:33 (2) at tanso si Emilie Morier ng France sa 1:00:55 segundo sa event na ginanap sa Xuanwu Lake at tumahak sa 750-meter swim, 20-km bike at 5-km run race course.
Matatandaan na si Deldio ay nagawang makapagkuwalipika sa YOG matapos ang kanyang ikalimang puwestong pagtatapos sa ginanap na qualifying event sa Kazahkstan noong Hunyo. Sumailalim din si Deldio sa triathlon camp sa China, Korea at Portugal noong nakaraang taon upang makapagkuwalipika sa YOG
Hindi din nakausad sa medal round ng 100-m backstroke ang swimmer na si Roxanne Ashely Yu na kasalukuyang nasa ilalim ng scholarship sa British International School sa Phuket, Thailand kontra sa pinakagagaling na batang swimmer sa buong mundo sa edad na 14 hanggang 18-anyos.
Pumang-apat lamang sa Heat 2 ang 17-anyos na si Yu sa isinumiteng 1:05.16 segundo kontra sa nagkuwalipika sa finals na sina Eleni Anna Koutsouveli ng Greece (1:03.48), Robin Neumann ng Netherlands (1:04.84) at si Katsiaryna Afanasyeva ng Belarus (1:05.13).
Muling lalangoy bukas, Agosto 19, si Yu sa 200-m backstroke upang umasam muli na makaagaw ng isa sa 222 nakatayang gintong medalya sa pinaglabanang 28 sports sa torneo na dinaluhan ng 3,600 atleta sa 202 bansa.
Sasabak sa aksiyon ngayong umaga ang artistic gymnast na si Ava Loreign Verdeflor sa quarterfinals habang ang pambato sa track and field na si Zion Rose Nelson ay magtatangka sa 400-m heats sa Miyerkules.
Sasagupa rin si Celdon Jude Arellano sa men’s air rifle sa Miyerkules habang ang pares ng Pinoy archer na sina Bianca Cristina Gotuaco at Luis Gabriel Moreno ay sasalang sa Biyernes, Agosto 22.