CAVITE CITY – Nataranta ang mga residente ng siyudad na ito sa paglitaw ng isang dambuhalang ipo-ipo sa karagatan ng Cavite noong Sabado ng hapon.
Hanggang kahapon ay sentro pa rin ng usapan sa ilang komunidad ang naganap na ipo-ipo na inakalang tatama sa lugar ng Cavite dakong 5:40 ng hapon noong Sabado.
“Sa dagat nagsimula. Hindi naman tumama sa lupa. Malakas na malakas na ulan ang biglang bumagsak,” ayon sa isang nakasaksi sa ipo-ipo.
“Parang hinigop lahat ng tubig sa dagat at ibinuhos sa mga bahay,” ayon sa isa pang saksi.
Kasabay ng ipo-ipo ang malakas na ulan at kidlat.
Maraming residente rin ang nangamba na tatama ang ipo-ipo sa kanilang lugar subalit ito ay hindi nangyari.
Ayon sa pulisya sa Cavite City, walang naiulat napinsala – sa dagat o sa lupa – bunsod ng insidente. - Anthony Giron