Ni JC BELLO RUIZ

Inihayag kahapon ng Malacañang na nananatiling determinado ang gobyerno na maisakatuparan ang target nito na makapagdaos ng eleksiyon sa Bangsamoro sa 2016.

Ito ang tiniyak ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte isang araw makaraang magkasundo ang gobyerno at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa ilang resolusyon na bubuo sa bahagi ng draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na isusumite kay Pangulong Benigno S. Aquino III.

Aniya, isusumite ang draft kay Pangulong Aquino bukas, Agosto 18.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Gayunman, hindi nagbigay ng timetable si Valte kung kailan mapagaaralan ng Pangulo ang draft upang maisumite na ito sa Kongreso.

Pero sinabi niyang “the President is very much aware of the urgency and the timetable that we are trying to follow.”

Una nang itinakda ang pagsusumite sa Kongreso ng BBL noong Mayo, pero sinuri muna ito ng Palasyo, bukod pa sa iba pang development na nagbunsod upang ma-delay ang pagsusumite nito.

Kapag naaprubahan na ng Kongreso ang draft, isasagawa ang isang plebisito at lilikhain ang isang transition authority. Ang eleksiyon sa Bangsamoro ay idaraos sa 2016 para mapili ng mamamayan ang mga taong mamumuno sa kanila.

Una nang nangako si Pangulong Aquino na isasagawa ang isang patas, tapat at malayang halalan sa rehiyon sa 2016.