DAKAR, Senegal (AP) – Idinepensa ng mga doktor na gumagamot sa isang kapwa nila manggagamot na may Ebola sa Sierra Leone ang desisyon na huwag bigyan ng experimental drug ang huli, sinabing masyado itong mapanganib.

Tinawag itong “an impossible dilemma,” detalyadong ipinaliwanag ng Doctors Without Borders ang nasabing desisyon nila noong nakaraang buwan makaraang malathala ang istorya sa New York Times. Ito sana ang unang beses na gagamitin sa tao ang experimental drug.

Inilahad ang paliwanag sa kaparehong araw na isa pang doktor mula sa Sierra Leone ang namatay sa sakit, na lalo pang nagpatindi sa debate kung paano ipamamahagi ang limitadong supply ng mga hindi pa nasusuring gamot at bakuna at kung epektibo ba ang mga ito.

Mahigit 1,000 na ang namatay sa Ebola at nakaapekto sa halos 2,000 katao sa outbreak na nananalasa ngayon sa West Africa, partikular sa Guinea, Liberia at Nigeria. Karamihan sa mga nasawi ay mga health worker, na karaniwang hindi nabigyan ng sapat na supplies at proteksiyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nang panahong ikinokonsidera ang experimental treatment para kay Dr. Sheik Humarr Khan, nagsimula nang mag-produce ng anitobodies ang kanyang immune system na nagpapahiwatig na malaki ang posibilidad na gumaling siya, ayon sa pahayag ng Doctors Without Borders. Ililipat din si Khan sa isang ospital sa Europe na mas may kakayahang masolusyunan ang anumang posibleng maging problema, anang grupo ng mga doktor.

Layunin ng experimental drug na ZMapp na mapalakas ang immune system laban sa virus. Dahil maganda ang tugon ng immune system ni Khan, nangamba ang mga doktor na ang pagpapasigla pa rito ay makakasama sa pasyente.

Ngunit lumala ang kondisyon ni Khan, anang pahayag, at nagdesisyon ang kumpanyang nagbibigay ng lunas sa kanya na huwag siyang ilipat ng pagamutan. Namatay siya makalipas ang ilang araw.

Ginagamit ngayon ang ZMapp sa dalawang Amerikanong aid worker at isang paring Spanish. Bumubuti ang lagay ng mga Amerikano, pero hindi malinaw kung dahil ito sa gamot, pero namatay na ang pari noong Martes.

Hindi pa nasuri ang ZMapp sa hayop, at hindi malinaw kung epektibo ito o makasasama sa tao.