Ni GENALYN D. KABILING
Determinado ang administrasyong Aquino na dagdagan ang mga tauhan ng pulisya, at pag-iibayuhin ang mga gamit at maging ang mga benepisyo ng mga ito sa kabila ng desisyon ng Supreme Court (SC) na nagpapawalang-bisa sa ilang bahagi ng economic stimulus program ng gobyerno.
Ito ang idineklara kahapon ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa ika-113 anibersaryo ng Police Service sa Camp Crame sa Quezon City, sinabing naglaan na ang gobyerno ng P2 bilyon para sa Philippine National Police (PNP) Capability Ehancement Program at P100 milyon para sa pagpapatayo ng 18 himpilan ng pulisya sa ilalim ng 2015 national budget.
“Bukod sa paghahanap ng paraan para maparami ang inyong bilang, plano rin sana nating bumili pa ng mga kinakailangang kagamitan na tulad ng mga radyo at patrol vehicle,” sabi ng Pangulo.
“Huwag kayong mag-alala na ‘di matutupad ang ating plano para sa ‘shoot, scoot, and communicate,’ dahil sa naging desisyon sa DAP. Patuloy tayong gumagawa ng hakbang para masigurong tuluy-tuloy ang inyong modernisasyon. Sinasagad nga po natin ang ating pagkakataong mabigyan ng benepisyo ang ating kapulisan.”
“Ganito po ang ibig sabihin ng matuwid na pamamahala: ang pangangailangan ng ating unipormadong hanay, tinutugunan. Ang alagad ng batas, inaalagaan at sinusuklian ng kalinga ng pamahalaan at ng estado,” dagdag pa ng Pangulo.
Una nang idineklara ng SCna labag sa batas ang ilang bahagi ng paggamit sa Disbursement Acceleration Program (DAP), na nakaapekto nang malaki sa programa sa paggastos ng gobyerno. Dahil sa nasabing desisyon ng SC, napilitan ang Ehekutibo na suspendihin ang ilang nakabimbing proyekto, kabilang ang P2 bilyon na inilaan sa pagbili ng mga baril at iba pang gamit para sa PNP.
Bukod sa pagbili ng mga sasakyan at communication equipment para sa mga pulis, sinabi ng Pangulo na magdadagdag din ang PNP ng paunang 7,439 sa 30,000 non-uniformed personnel na bahagi ng programa ng gobyerno para maisulong ang police visibility.
Sinabi pa ng Pangulo na kailangan din ng gobyerno na makalikom ng mahigit P4 trilyon bilang seed capital upang pondohan ang police at military pension system.
Inamin ng Pangulo na nahahadlangan ng problemang pinansiyal sa pension system ang pagdadagdag ng gobyerno ng mga pulis at sundalo.
Kasabay nito, ipinagmalaki ng Pangulo ang pagbuti ng kalagayan ng pulisya bunsod ng mga repormang ipinatupad ng kanyang administrasyon sa nakalipas na mga taon, kabilang ang pagkakaroon ng baril ng bawat pulis, pagpapatupad ng Integrated Ballistics Identification System at Automated Fingerprint Identification System para sa mas epektibong imbestigasyon, mas organisadong sistema sa pag-uulat ng krimen at benepisyong pabahay.