Sabay na magtatangka upang makuwalipika sina 2-time Olympian Hidilyn Diaz at Marestella Torres upang mapasama sa pambansang delegasyon na sasabak sa 17th Asian Games sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 sa Incheon, Korea.

Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) Chairman at Asian Games Task Force member Tom Carrasco na isasagawa ang qualifying jump ni Torres sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) Weekly Relays sa PhilSports Arena sa ganap na alas-9:00 ng umaga.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Gaganapin naman ang performance lift ni Diaz sa kasabay na oras sa Rizal Memorial Weightlifting Center.

Una nang itinakda ang performance lift ni Diaz nitong Mayo sa 2014 Philippine National Games sa Marikina Riverbanks kung saan napataas nito ang kanyang personal na rekord sa binuhat na 98kg sa snatch at 120 sa clean and jerk para sa kabuuang 218 kg. sa 62kg.

Gayunman, malayo sa qualifying standard na 285 kg. ang iniangat ni Diaz para makapasa ito sa 17th Asian Games.

“Her performance in PNG was actually good. She has improved her lift but failed to achieve the bronze standard of the task force. So she was given time to prepare for her recovery in performance. Medyo nahirapan kasi siya mag-prepare dahil sa kanyang duty sa Air Force,” sinabi ni PWA president Roger Dullano.

Dalawang beses namang nagtangka ang nagbabalik sa aktibong kompetisyon na si Torres matapos manganak noong Enero sa sinalihan nitong Hong Kong Open kung saan agad itong nakapag-uwi ng gintong medalya sa tinalon na 6.26 metro.

Ikalawa itong nagtangka sa ginanap na Vietnam Open kung saan ay nagawa nitong magwagi ng pilak subalit mababa ang itinalang talon na kabuuang 6.14 metro lamang na malayo sa dapat nitong maabot na itinakdang 6.36 metro na katapat sa medalyang tanso sa kada apat na taong torneo.