Iminungkahi ng isang obispo na dapat gawing simple lang ang mga programang inihahanda ng Simbahan at ng gobyerno para sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15-19, 2015.
Naniniwala si Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo na hindi ikatutuwa ng Santo Papa kapag ginawang bongga ang paggastos ng Simbahan at gobyerno para sa apat na araw na pamamalagi niya sa bansa.
Malaking insulto rin, aniya, para sa mga maralita na gawing magarbo ang pagsalubong at pagtanggap sa Santo Papa.
Inihayag pa ng Obispo na ang malaking mensahe ni Pope Francis sa mga Filipino at sa buong Simbahang Katoliko ay mahalin at arugain ang mahihirap.
“Yung mga gagawing events ay gawing simple at hindi magarbo kasi si Pope Francis ay very displeased with the reception after the canonization ni Saint Paul II at St. John 23rd na ang dating sa kanya ay extravagant kaya he was displeased,” sinabi ni Arigo sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinapaalala pa ng Obispo na hindi dapat ituring na celebrity ang Santo Papa sa kanyang pagbisita sa Pilipinas sa susunod na taon o ipagmalaki na nakita siya ng personal at sa halip ay mas dapat tingnan ng mga Pilipino kung ano ang mensahe niya sa kanyang pagbisita.