Nakikipagtulungan ang militar sa mga civilian authority sa Sulu upang maiwasan ang pagsiklab ng panibagong karahasan sa lalawigan, kasunod ng pag-atake ng Abu Sayyaf na ikinasawi ng 23 residente, karamihan ay bata at kababaihan.
Ito ay bunsod ng impormasyong natanggap ng awtoridad na hangad ng ilang kaanak ng mga biktima na makapaghiganti sa mga salarin. Ayon sa mga naunang ulat, kabilang sa mga umatake noong Hulyo 28 sa Talipao, Sulu ay mga tagasuporta ng isang opisyal ng barangay na may kaugnayan sa Abu Sayyaf.
Sinabi ni Western Mindanao Command (Westmincom) commander, Lt. Gen. Rustico Guerrero, na dinagdagan na ang mga pulis at sundalong nakatalaga sa Talipao upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Kasabay nito, aniya, ay nakikipagugnayan din ang mga opisyal ng militar at pulisya sa Provincial Peace and Order Council (PPOC) at sa mga lokal na opisyal.
Matatandaang inatake ng may 50 armadong miyembro ng Abu Sayyaf ang convoy ng 40 residente at sampung tauhan ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Barangay Lower Talipao bandang 8:30 ng umaga noong Hulyo 28, 2014. Nasa 23 ang nasawi at 11 iba pa ang nasugatan. - Elena L. Aben