Aminado ang isang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi na nila bineberipika kung ipinatupad nga ng isang non-government organization (NGO ang isang proyekto na pinondohan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Sa pagdinig sa petition for bail ni Janet Lim Napoles sa Sandiganbayan Third Division, sinabi ni Carmencita Delantar, director ng DBM-Bureau G, na ang mga implementing agency ang dapat magberipika kung ang isang NGO na nakakuha ng pondo mula sa PDAF ay tunay.
Sinabi pa ni Delantar na inoobliga lamang nila ang mga mambabatas na ilista ang mga proyekto at implementing agency sa tuwing sila ay hihiling ng Special Allotment Release Order (SARO) para sa PDAF.
Tinapos ni Delantar ang pagbibigay ng kanyang testimonya sa korte hinggil sa mga SARO na prinoseso ng kanilang tanggapan para sa pork barrel fund ni Senator Juan Ponce Enrile.
Sina Napoles at Enrile ay kapwa akusado sa plunder case sa Sandiganbayan Third Division dahil sa paglulustay umano ng PDAF na aabot sa P172,834,500 mula 2004 hanggang 2010.
Subalit nang tanungin ni Associate Justice Alex Quiroz kung narining o nakita niya ang pangalan ni Napoles sa tuwing pinoproseso ang mga SARO, ang sagot ni Delantar: Hindi po.
“Wala naman pakialam si Mrs. Napoles sa prosesong iyon at ina-admit naman noong witness,” ayon kay Stephen David, abogado ni Napoles, sa panayam ng media.