Humiling ang Department of Transportation (DOTr) sa Department of Budget and Management (DBM) ng karagdagang pondo upang palawakin at ipagpatuloy ang service contracting program para sa mga driver at operator ng public utility vehicles (PUVs).
Sa panayam, kinumpirma ni Vigor Mendoza II, chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na umabot na sa ₱5 bilyon ang hiling na pondo para sa ikalawang yugto ng programa.
“Sa second phase, nag-request na ang DOTr ng ₱5 billion. Marami na ang masasama doon,” ani Mendoza sa panayam ng isang radio news program nitong Sabado, Abril 11, 2026.
Nauna nang inilunsad ang unang phase ng service contracting program na may paunang budget na ₱1 bilyon—₱800 milyon para sa road transport at ₱200 milyon para sa maritime transport. Nakatakdang magsimula ito sa Abril 15 at tatagal ng dalawang linggo.
KAUGNAY NA BALITA: ₱1 bilyon, pondo ng gov't sa loob ng 2 linggo para sa 'service contracting program'
Sa ilalim ng programa, babayaran ang mga bus operator at driver ng ₱100 kada kilometro. Sa EDSA Busway pa lamang, tinatayang 50 operator, 500 bus units, at 300,000 pasahero araw-araw ang sakop.
Para naman sa mga jeepney, ₱40 kada kilometro ang bayad sa mga modernong unit, habang ₱30 kada kilometro naman para sa mga tradisyunal na jeep.
Aabot sa 823 ruta sa buong bansa ang saklaw ng programa, kung saan 545 rito ay matatagpuan sa Metro Manila at mga karatig-lugar tulad ng Cavite, Laguna, at Rizal. Ayon sa DOTr, nakatuon ang mga rutang ito sa tinatawag na “filler routes” na nag-uugnay sa iba pang uri ng transportasyon gaya ng tren.
Inaasahan ding ilalabas ng DOTr at LTFRB ang guidelines para sa onboarding ng mga nais lumahok sa programa. Ayon kay Mendoza, isasagawa ito sa pamamagitan ng online filing kung saan kailangang magsumite ng dokumento ang mga interesadong operator at driver bilang patunay ng kanilang pagsang-ayon sa mga tuntunin ng programa.
Matatandaang noong Huwebes, Abril 9, nang ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang service contracting program kung saan nakatakdang bayaran ng pamahalaan ng ₱40 hanggang ₱100/km ang mga public utility vehicle (PUVs).
“Sa ilalim ng programang ito, babayaran namin ang ating mga operator at driver ng mula ₱ 40 hanggang ₱ 100 kada kilometro,” ani Marcos.
Kaugnay din ng nasabing programa ang pagpapatupad ng 20% diskwento para sa lahat ng mga pasahero sa mga piling ruta. Inanunsyo din ni PBBM ang ₱10 fuel subsidy para sa mga PUV.
KAUGNAY NA BALITA: Gobyerno, babayaran PUVs ng ₱40 - ₱100/km sa ilalim ng Service Contracting Program