Nasawi ang dalawang magpinsang 4-anyos matapos makulong sa abandonadong kotse sa Brgy. Barretto, Olongapo City.
Batay sa Olongapo City Police Station 6, magkasamang naglalaro ang magpinsan bandang 11:00 a.m.
Sapul sa CCTV ang pagtatangka ng dalawa na buksan ang abandonadong kotse para mapasok ito. Doon na sila nagsimulang makulong sa loob.
Pasado 2:00 p.m. na nang matagpuan ang katawan ng dalawang bata. Sinubukan pa silang isugod sa ospital ngunit tuluyan na ring binawian ng buhay.
Posibleng matinding init sa loob ng saradong sasakyan at suffocation ang sanhi ng kanilang pagkasawi.
Samantala, wala namang nakikitang foul play ang mga awtoridad batay sa kanilang imbestigasyon.
“Wala naman [foul play]. Nakita namin iyong oras ng pagpasok nila, binubuksan nila iyong kotse at hindi sila nakapasok. It so happen, itong driver side ay open," saad ni PMAJ George Francis Molina, hepe ng Olongapo City Police Station 6.
Kaya naman paalala niya sa mga magulang, ingatan ang mga anak lalo na ngayong tag-init.