Tila lalong lalakas ang alingasngas na may namamagitan nga kina dating Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition housemates Mika Salamanca at Will Ashley dahil sa bagong larawan nila nang magkasama.
Batay sa Instagram story ni Mika nitong Linggo, Abril 5, nasa Bangkok, Thailand siya ngayon.
Makikita pa ang isang larawan kung saan kasama niya si Will at ang kaibigan niyang si Jadh Onglengco.
Matatatandaang hindi ito ang unang beses na nag-travel ang dalawa nang magkasama. Noong Enero ay minalisya ang lumutang nilang larawan na kuha habang naglalamyerda sila sa Hong Kong.
Maki-Balita: Lamyerda sa HK nina Will Ashley at Mika Salamanca, minalisya!
Ilang araw matapos ito, inispluk ni showbiz insider Ogie Diaz na may nasagap umano siyang tsika na may relasyon na sina Will at Mika.
Ngunit nilinaw naman ni Ogie na wala pa umano itong kumpirmasyon.
Samantala, maging sina Will at Mika ay wala pa ring sinasabi hinggil sa real-score nila.